KINUMPIRMA ng National Disaster Risk Reduction and Management Council, umakyat na sa siyam ang bilang na naitatalang nasawi sa pananalasa ng Tropical Storm Quinta sa Visayas Region at Mimaropa Region.
Ito ay habang naghahanda naman ang Office of Civil Defense sa paparating na sama ng panahon na inaasahang magiging isang ganap na bagyo at tatawaging ‘Rolly’.
Sa ulat na nakalap ng NDRRMC, siyam na ang bilang ng mga nasawi dahil sa panalalasa ng Typhon Quinta sa bansa, kabilang dito ang isang ginang at sanggol na nalunod sa Magsaysay, Occidental Mindoro, at isang lalaki na nalunod sa Mogpog, Marinduque.
Kabilang din sa mga namatay ang isang babae na nabagsakan ng puno sa Oriental Mindoro; isang lalaki na nabagsakan din ng puno sa El Nido, Palawan, isang lalaki na nalunod sa Odiongan, Romblon at isa pang lalaki na nabagsakan din ng puno.
Ang mga biktimang mula sa Regions 4-A, 4-B, VI, at VII habang inaantabayanan pa ng NDRRMC Operation Center ang pagkakakilanlan ng mga nasawi sa Region VII.
Ayon sa update ng National Disasters Risk Reduction and Management Council o NDRRMC, bukod sa siyam na nasawi, nakapagtala rin ng 6 sugatan at 2 nawawala.
Umabot sa 49,557 pamilya ang naapektuhan ng bagyo o 209,457 katao, mula sa 787 barangays.
Sa nasabing bilang, 12,223 pamilya pa ang nasa evacuation centers. (JESSE KABEL)
182
