1 PATAY, 1 SUGATAN SA BANGGAAN NG MOTOR AT AMBULANSYA

QUEZON – Patay ang isang 34-anyos na computer technician habang sugatan ang kanyang backrider matapos na ang sinasakyang motorsiklo ay masalpok ng isang ambulansya sa Bypass Road, sa Barangay Tumbaga 1, sa bayan ng Sariaya sa lalawigan nitong Lunes ng madaling araw.

Kinilala ang biktimang namatay na si alyas “Dempster”, residente ng Barangay Angustias, Tayabas City, habang kinilala ang backrider na si Maureen Mendez, 26, isang visual assistant freelancer, ng Barangay Sampaloc 2, Sariaya, Quezon.

Ayon sa imbestigasyon, bandang alas-12:25 ng madaling araw, binabaybay ng motorsiklo ang lugar patungong Barangay Sampaloc 2, nang biglang salpukin ng ambulansyang galing Guinayangan, Quezon, na noon ay patungo naman ng San Pablo City.

Ang ambulansya na nakarehistro sa City Government ng San Pablo, ay minamaneho ng isang alyas “Menglou”, 47, residente ng San Pablo City, Laguna,

Sinubukan pa umanong iwasan ng driver ng ambulansya ang motorsiklo subalit dahil sa biglaang pangyayari ay nabangga pa rin ito.

Sa lakas ng salpukan, malubhang napinsala ang driver ng motorsiklo na agad isinugod sa Quezon Medical Center sa Lucena City ngunit idineklarang dead on arrival ng doktor.

Kasalukuyang nilalapatan ng lunas ang backrider dahil sa mga sugat sa katawan.

Patuloy ang imbestigasyon sa insidente habang inihahanda ang kaukulang dokumento kaugnay sa kaso. (NILOU DEL CARMEN)

64

Related posts

Leave a Comment