CAVITE – Patay ang isang hinihinalang tulak ng ilegal na droga nang manlaban sa mga awtoridad habang 17 ang arestado sa ikinasang buy-bust operation sa magkakahiwalay na lugar sa lalawigang ito, nitong Huwebes ng madaling araw.
Kinilala ang napatay na si Edwin Callos, 46, ng Brgy. Granados, General Mariano Alvarez, Cavite.
Ayon sa ulat ni Pat. Verlee Gym Tigbao ng GMA Police Station, dakong alas-12:30 noong Huwebes ng madaling araw nang nagsagawa ng buy-bust operation ang mga operatiba ng Drug Enforcement Group ng GMA MPS sa Brgy. Granados ng naturang bayan kung saan target si Callos.
Ngunit sa kalagitnaan ng transaksyon nang napuna ng suspek na pulis ang kausap kaya nagpaputok ito ng baril ngunit nagmintis. Gumanti ng putok ang mga awtoridad na ikinamatay ng suspek.
Nakuha sa suspek ang 6 gramo ng hinihinalang shabu na P40,800 ang street value, at .38 kalibreng baril.
Samantala, umabot sa 17 drug personality ang nadakip sa ikinasang magkakahiwalay na buy-bust operation sa tatlong lungsod at walong bayan sa nasabing lalawigan dakong 9:30 ng umaga noong Miyerkoles hanggang alas-2:30 ng madaling araw nitong Huwebes.
Nanguna ang Imus City at Bacoor City sa may pinakamaraming tulak na naaresto na tig-tatlo; tig-dalawa naman ang Gen. Trias City, GMA at Silang habang tig-isa ang Alfonso, Noveleta, Indang Carmona, Ternate, GMA at Naic. (SIGFRED ADSUARA)
