CAVITE – Patay ang isang 36-anyos na hinihinalang tulak ng ilegal na droga makaraang makipagbarilan sa mga awtoridad, habang 67 iba pang drug suspect ang nadakip sa ikinasang buy-bust operation sa magkakahiwalay na lugar sa lalawigang ito.
Kinilala ang napatay na si Jonathan Mulos ng Pasong Saging, Brgy. Poblacion 5, General Mariano Alvarez (GMA), Cavite.
Ayon sa ulat ni P/SSgt. Dann Czar Rosales ng GMA Police, dakong alas-6:20 noong Biyernes ng gabi nang magsagawa ng buy-bust operation ang mga operatiba ng Drug Enforcement Group (DEG) ng GMA MPS sa Pasong Saging, Barangay Poblacion 5, GMA, kung saan target ang suspek.
Ngunit nakatunog umano ang suspek na pulis ang katransaksyon kaya nakipagpalitan ng putok sa mga awtoridad na kanyang ikinamatay.
Samantala, umabot naman sa 67 katao ang nadakip ng Cavite Police sa isinagawang magkakahiwalay na buy-bust operation mula alas-10:55 ng gabi noong Biyernes hanggang ala-1:30 ng madaling araw noong Sabado sa anim na lungsod at walong bayan sa lalawigan ng Cavite.
Nanguna ang Imus City sa pinakamaraming bilang ng mga suspek na dinampot, 10; sumunod ang Rosario, 8; tig-anim ang ang Tanza, Naic at Trece Martires City; sa Gen. Trias City ay lima; tig-apat ang Bacoor City at Noveleta; tig-tatlo ang Alfonso at Indang, at tig-isa ang Mendez, Tagaytay City at Cavite City. (SIGFRED ADSUARA)
266
