NADISKUBRE ng pinagsanib na puwersa ng District Anti-Carnapping Unit (DACU) ng Manila Police District at Manila District Highway Patrol Group, ang ilegal na “katayan” ng mga sasakyan sa tabi ng riles ng tren sa Dagupan Ext., sakop ng Barangay 155, Zone 14 sa Tondo, Manila noong Miyerkoles ng hapon.
Isa sa apat na kalalakihan ang binitbit ng mga awtoridad na kinilalang si Joey Bernabe, nasa hustong gulang, ng #2069 Dagupan Extention sakop ng Brgy.155, Zone 14 sa Tondo.
Tinutugis naman ang tatlo pa nitong kasamahan na sina Elvin Elorda, Ramil Corpuz at Ronnie Bihasa, pawang mga residente sa Dagupan Ext., Brgy.155, Zone 14.
Batay sa ulat ni P/Major Raul Salle, hepe ng MPD- DACU, bandang alas-2:00 ng hapon nang salakayin ang sinasabing “katayan” ng mga sasakyan dahil sa sumbong ng isang Raul Intang Kempis, 22-anyos, at 9 pang complainant na nanakawan ng mga sasakyan.
Bukod sa dalawang motorsiklo, nakumpiska rin ang mga gamit sa pagbabaklas ng mga sasakyan at dalawang set ng acetylene.
Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa RA 10883 Section 12 at Manila City RO 1156- A. (RENE CRISOSTOMO)
178
