PARA bigyang-daan ang pagbangon ng Pilipinas matapos ang pandemya, hinihimok ni senatorial aspirant at kasalukuyang Sorsogon Gov. Francis “Chiz” Escudero ang mga bangko na siguraduhing mapupunta ang 10% ng mga pautang nito para sa financing ng micro, small and medium enterprises (MSMEs).
Nangangailangan ng kapital at iba pang tulong sa ngayon higit kailanman ang MSMEs, lalo na ang mga nasa probinsiya, para agad silang makabangon matapos ang pandemya na nagdulot ng pagsasara ng mga negosyo, pagkawala ng mga trabaho ng mga manggagawa, at pagbawas sa suweldo dahil nabawasan din ang oras ng operasyon ng iba’t ibang industriya.
“Credit line ang kailangan ngayon ng MSMEs na makakatulong sa kanila para makapagsimula uli at upang buhayin ang nanlulupaypay na maraming negosyo. Oportunidad at tungkulin ng mga bangko na tulungan ang mga local entrepreneurs na siya namang laman at sinasabi sa Magna Carta for Micro, Small and Medium Enterprises,” ani Escudero.
Inaatasan ng nasabing batas ang mga bangko na maglaan ng di-bababa sa 8% ng loan portfolio nito para sa micro and small enterprises at di-bababa sa 2% para naman sa medium enterprises. Hanggang 2018 lamang ang mandato subalit patuloy na nakaantabay rito ang Bangko Sentral ng Pilipinas.
Sa first quarter ng 2021, 5.2% lamang ng P8.6 trilyon na loan portfolio ng mga bangko ang napunta sa MSMEs. Nasa P448 bilyon lamang ito dahil sa nag-iingat ang mga bangko sa pagpapautang sa MSMEs.
“Hindi dapat patayin at bagkus ay dapat pa ngang buhayin ang probisyon sa Magna Carta kung gusto nating ibangon ang ating ekonomiya, lalo’t 99% ng mga negosyo sa Pilipinas ay MSMEs.
There is no recovery without the recovery of the MSME sector,” ani Escudero. (ESTONG REYES)
102