100 ‘ILEGAL’ NA TINDAHAN SA TAYTAY GINIBA

NANINDIGAN ang pamunuan ng Taytay, Rizal municipal government na legal at mayroong basehan ang paggiba sa mahigit 100 tindahan o stalls dahil walang kaukulang permit ang mga ito.

Ayon kay Taytay Rizal Mayor Joric Gacula, pawang illegal vendors ang umuukupa sa kalsada na halos hindi na madaanan ng tao at hindi pa nagbabayad ng buwis at walang kaukulang permit mula sa LGU.

Paliwanag ng alkalde, marami nang mga nagrereklamo na pawang mga lehitimong vendor na nagbabayad ng kanilang permit, dahil halos hindi na sila nabebentahan ng kanilang mga paninda at inuukupa na ng illegal vendors sa labas ng palengke.

Una rito nanawagan, ang mga vendor sa pamunuan ng Taytay, Rizal municipal government, na pagbigyan muna silang kumita ngayong Kapaskuhan.

Giit ni Mayor Gacula, maluwag naman ang LGU ng Taytay sa pagbibigay ng mga permit sa mga nagnanais na magtinda ngayong Kapaskuhan basta sumunod lang sila sa mga alituntunin at ipatutupad ang social distancing at health protocol na mahigpit na ipinag-uutos ng Inter Agency Task Force. (KNOTS ALFORTE)

263

Related posts

Leave a Comment