BULACAN – Nagsimula nang makatanggap ng financial assistance mula sa Pamahalaang Lungsod ng Malolos, ang pamilya ng bawat overseas Filipino workers (OFWs) na nasa Middle East na hindi makauwi at makapagpadala ng remittance.
Nitong nakaraang Lunes ay pinangunahan ni Mayor Christian Natividad ang pamamahagi ng P10,000 financial assistance sa inisyal na 36 benepisyaryo na mayroong kaanak na nasa Middle East na apektado ng giyera at hanggang ngayon ay stranded at hindi pa nakauuwi at nakapagpapadala ng pera sa kanilang pamilya.
Ayon kay Natividad, 64 pamilya pa ng mga Malolenyong OFW ang nakatakda rin makatanggap ng kaparehong halaga sa mga susunod na araw at maaari pang madagdagan.
Nabatid na mula nang sumiklab ang digmaan sa Middle East at sunod-sunod umusbong ang mga problema ng mga OFW roon, agad na binuo ni Natividad ang ‘Special Help Desk’ para sa mga OFW apektado ng giyera sa Middle East.
“Bukod sa regular na OFW help desk ay nag-dedicate pa tayo ng ‘Special Help Desk’ para dun sa mga kababayan natin na OFW na apektado ng conflict sa disputes or skirmishes sa Middle East at una na tayong nakapagbigay ng tulong sa inisyal na 36 pamilya,” ayon kay Natividad.
Nabatid na ang Lungsod ng Malolos pa lamang ang kauna-unahang lokal na pamahalaan sa Gitnang Luzon, na nakapagbigay ng tulong pinansyal na gaya nito para sa OFW families apektado ng giyera.
Bukod sa cash assistance ay magkakaloob din ang Lungsod ng Malolos ng tulong sa mga OFW doon na nais makauwi ngunit hindi mapabilang sa repatriation ng pamahalaang nasyunal at gagawa sila ng paraan upang sila ay makauwi at makapiling ang kanilang mga pamilya.
“Kung mahihirapan ang Department of Foreign Affairs (DFA), ang nasyunal na mapasama sila sa listahan ng repatriation activity ay tutugon din po tayo, willing po ang City Government ng Malolos na sagutin ang pamasahe nila pauwi,” wika ni Natividad.
(ELOISA SILVERIO)
91 