UMABOT SA 11 drug personalities ang arestado sa magkakahiwalay na buy-bust operation ng pulisya sa Valenzuela City.
Kinilala ni Valenzuela City Police Station Drug Enforcement Unit (SDEU) chief, P/Lt. Joel Madregalejo ang arestadong mga suspek na sina Dexter Edubas, 34; Edgar Gozo, 28; Ariel Magrilos, 34; Jumi Lopez, 39; Roderick Tiña, 41; Eric Cacabilos, 31; Romie Jamilo, 29; Angelo Delos Reyes, 35; Eleazar Orcullo, 42, at Ron Dexter Ganacan, 31-anyos.
Ayon kay SDEU investigator, P/Cpl. Pamela Joy Catalla, dakong alas-2:45 ng madaling araw nang isagawa ng mga operatiba ng SDEU, sa pangunguna ni P/Lt. Madregalejo, sa ilalim ng pangangasiwa ni P/Col. Ramchrisen Haveria Jr., ang buy-bust operation sa #0064 A3 (A) D Bonifacio St., Brgy. Canumay East.
Kaagad sinunggaban ng mga operatiba sina Edubas at Gozo matapos bentahan ng P500 halaga ng shabu ang isang pulis na umaktong poseur buyer, habang naaktuhan naman ng mga awtoridad na sumisinghot ng shabu ang iba pang mga suspek.
Nakumpiska sa mga suspek ang 11 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang P74,800 ang halaga, buy-bust money, apat na cellphones at drug paraphernalia.
Samantala, bandang alas-9:10 ng gabi nang matimbog ng kabilang team ng SDEU na sina P/SSgt. Luis Alojacin at P/Cpl. Isagani Manait, sa buy-bust operation sa Lorex St., Gen. T. De Leon ang isa pang drug suspect na si John Armel Oliveros, 28, ng El Grande Homes.
Ani SDEU investigator, P/Cpl. Christopher Quiao, nakumpiska sa suspek ang 10 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang P68,000 ang halaga, buy-bust money, P500 cash, cellphone at motorsiklo. (FRANCIS SORIANO)
151
