MULING ipinamalas ang matatag na ugnayan sa pagitan ng komunidad at militar matapos isuko ang 12 kagamitang pandigma at matataas na kalibre ng armas sa Poblacion, Talitay, Maguindanao del Norte nitong Martes, Oktubre 28, 2025.
Iprinisinta kay Brig. Gen. Edgar Catu, Brigade Commander ng 601st Infantry Brigade, ang iba’t ibang uri ng armas na nakalap mula sa iba’t ibang barangay mula sa munisipyo ng Talitay, Maguindanao del Norte.
Ang nasabing pagsuko ng mga armas ay bunga ng mahigpit na pagtutulungan ng Local Government Unit (LGU) ng Talitay, kasama ang 1st Mechanized Battalion at ang 601st Infantry (Unifier) Brigade ng 6th Infantry (Kampilan) Division, Philippine Army.
Kabilang sa mga isinukong kagamitang pandigma ay ang mga sumusunod: dalawang sniper rifles na may dalawang magazine, isang 7.62mm rifle, pitong 40mm grenade launchers, isang carbine cal .30, at isang rifle cal .30.
Dumalo at pormal na nagpresenta sa mga nasabing armas sina Municipal Mayor Sidik S. Amiril at Vice Mayor Musa Amiril, kasama ang mga lider mula sa siyam na barangay ng Talitay.
Ipinahayag ni Brig. Gen. Edgar Catu ang kanyang pasasalamat at pagkagalak sa aktibong pakikiisa ng LGU sa kampanya ng pamahalaan laban sa loose firearms.
Ayon sa kanya, “Ang tagumpay ng kampanya laban sa ilegal na mga armas ay dahil sa aktibong pakikiisa ng ating pamayanan at kasundaluhan na direktang nakikipag-ugnayan sa mga lokal na lider sa iba’t ibang bayan ng probinsya. Naniniwala ako na sa bawat baril na isinusuko ay katumbas ng pagsasalba sa buhay ng mga inosenteng sibilyan dito sa ating mga komunidad.”
Samantala, pinuri naman ni Maj. Gen. Donald M. Gumiran, Commander ng Western Mindanao Command, 6th Infantry (Kampilan) Division at Joint Task Force Central, ang mga tropa ng 1st Mechanized Battalion, 601st Infantry Brigade at lalo’t higit ang lokal na pamahalaan ng Talitay sa kanilang kooperasyon para tagumpay na maipatupad ang Small Arms and Light Weapons (SALW) Management Program sa kanilang lugar.
“Ipagpapatuloy natin ang kampanya laban sa paglaganap ng mga ilegal na baril upang mapanatili ang kapayapaan hindi lamang sa probinsya ng Maguindanao del Norte kundi sa buong Central at South-Central Mindanao. Lalo pa nating palalakasin ang magandang ugnayan sa ating mga lokal na lider dahil malaki ang kanilang kontribusyon sa tagumpay ng SALW Management Program, upang tuluyang mabawasan at mawala ang mga ilegal na armas na madalas nagagamit sa karahasan,” ani Maj. Gen. Guimiran.
Ang aktibidad ay patunay na nagpapatuloy ang pagkakaisa ng pamahalaan, lokal na liderato, at militar sa hangaring makamit ang mapayapa at ligtas na Mindanao.
(JESSE RUIZ)
21
