INIHAYAG ng Philippine Red Cross (PRC) na mahigit sa 1,200 katao ang magboboluntaryo para tumulong sa pagpapanatili ng kaayusan at kaligtasan ng mga deboto sa Kapistahan ng Poong Nazareno ngayong araw, Enero 9, 2026.
Ito ang inihayag ng dating senador at ngayo’y chairman ng PRC na si Richard “Dick” Gordon sa ginanap na press conference noong Miyerkoles ng hapon sa punong tanggapan ng PRC sa Mandaluyong City, kasama ang mga mamamahayag na miyembro ng PaMaMariSan-Rizal Press Corps.
Ayon kay Gordon, handa na sila para sa kapakanan ng milyong deboto na inaasahang makikibahagi sa nasabing relihiyosong kapistahan kung saan 1,261 sinanay na mga boluntaryo ang ikakalat sa lahat ng lugar na ruta ng prusisyon.
May karagdagang 143 iba pang boluntaryo na ipupuwesto sa strategic locations, 19 na mga ambulansya mula sa National Capital Region chapters, at 20 ambulansya pa mula naman sa Southern at Central Luzon chapters ng PRC.
Idinagdag pa ni Gordon na may foot patrol units din sila na medical teams at gagamit ng scooters na magpi-penetrate sa nagsisiksikang mga tao na nakaantabay sa anomang medical emergencies.
Nakaabang na rin umano ang rescue boats sa kahabaan ng Pasig River para sa mabilisang atensyong medikal na may kaugnayan sa anomang aksidente sa tubig.
Sinabi pa ni Gordon na magtatayo rin sila ng modular emergency medical unit na may 10-bed emergency room at isang 50-bed ward para sa minor injuries kung saan nakaantabay ang Red Cross medical corps.
Maglalaan din ang PRC ng psychological first aid, family tracing, hydration support at alalay mula sa social workers na magboboluntaryo rin mula sa kalapit na mga ospital.
Maglalagay rin ang Red Cross ng 17 first aid stations at welfare desks sa daraanang ruta partikular na sa Quirino Grandstand, Quiapo Church at iba pang lugar tulad ng Roxas Boulevard, Ayala Bridge at Quezon Boulevard.
Ang command post nila ay nasa Kartilya ng Katipunan at gagamit sila ng mga kagamitan para sa real-time communication para sa maayos na koordinasyon sa lahat ng mga naka-deploy na mga boluntaryo.
Pakiusap naman ni Dr. Gwen Pang, Secretary General ng PRC, sa mga deboto na magsuot ng bagay-sa-okasyon na damit, sunblock screen, magdala ng bottled water at emergency information card.
(NEP CASTILLO)
55
