121 STRANDED PASSENGERS SA TAWI-TAWI SINAGIP NG NAVY

NASA 121 stranded passengers ang sinagip ng mga mga tauhan ng Philippine Navy sa isinagawang maritime search and rescue operation sa iniulat na nawawalang ML J Sayang 1, na naglalayag papuntang Turtle Island, Tawi-Tawi mula Zamboanga City.

Sa ipinarating na ulat sa tanggapan ni Navy Flag Officer in Command Vice Admiral Jose Ma Ambrosio Ezpeleta, natagpuan ng mga tauhan ng Hukbong Dagat lulan ng BRP Jose Loor Sr., ang distressed vessel, may 5.4 nautical miles west ng Siklangkalong Island, Tawi-Tawi.

Sakay ng passenger vessel ang 106 passengers at 15 tripulante, na anim na araw nang palutang-lutang sa karagatan matapos makaranas ng engine failure at nagsusungit na panahon.

Lumitaw sa inisyal na pagsisiyasat, nagsimulang magpalutang-lutang ang ML J SAYANG 1 noon pang Enero 8, 2025 nang magloko ang makina malapit sa Pangutaran Island.

Wala na umano itong fuel o communication capabilities. Unang namataan ng mga mangingisda ang nasabing vessel malapit sa Pearl Bank, Languyan, Tawi-Tawi, kaya natunton ito ng Philippine Navy at iba pang maritime agencies.

Nang marating ng BRP JOSE LOOR SR. ang hinahanap na passenger vessel ay agad silang pinagkalooban ng tubig at pagkain, medical aid, at internet access para makatawag sa kani-kanilang pamilya.

Dahil sa masamang panahon at collision risks, nagpasya na lamang na hatakin ang passenger vessel sa Taja Island, Pearl Bank, Tawi-Tawi bago sila tuluyang hatakin nang dumating ang relief vessel ML ARNEZA na may dala ring additional fuel at pagkain. (JESSE KABEL RUIZ)

77

Related posts

Leave a Comment