14 DPWH DISTRICT ENGINEERS SINIBAK SA KORAPSYON

SA wakas, tinanggal na ni Secretary Mark Villar ang labing-apat na district engineers ng Department of Public Works and Highways (DPWH) dahil sa korapsyon.

Ang aksiyon ni Villar ay batay sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte laban sa korap na mga opisyal at kawani ng DPWH.

Sabi ni Villar, maglulunsad siya ng reorganisasyon sa DPWH, alinsunod sa utos ni Duterte.

Ilang araw na ang nakalipas, sinabi ni Duterte na pag-aaralan niya ang mga taong ipupuwesto ni Villar bago niya ito aprubahan.

Mula nang maging kalihim ng DPWH si Villar noong 2016 ay walang nabalita sa media na umaksiyon ito laban sa mga korap na enhinyero.

Naging ‘mainit’ na paksa lamang ang korapsyon sa DPWH nang diretsong binanggit ni Duterte sa media noong 2020, na talamak ang korapsyon sa nasabing kagawaran.

Ngunit agad na naghugas-kamay si Duterte para kay Villar, sa pagsasabing hindi sangkot ang huli sa korapsyon dahil milyonaryo ang taong ito.

Si Villar ay anak ni dating Senate President Manny Villar at Senadora Cynthia Villar na itinuturing na kasama sa dalawampung pangunahing bilyonaryong Filipino.

Kaya maituturing na ‘magandang balita’ ang aksyon ni Villar laban sa labing-apat na mga inhinyero.

Inilinaw ng kalihim na hindi nagtatapos sa pagsibak sa 14 district engineers ang aksiyon ng pamunuan ng DPWH laban sa korapsiyon.

“Our investigation into all the reports that were submitted is continuing. There will be rigodon inside the department and there will be a lot of changes… within the month definitely,” pagtitiyak ng kalihim.

Hindi niya pinangalanan ang labing-apat na inhinyero. Ngunit tiniyak ni Villar na sasampahan nila ng kaukulang kaso hinggil sa katiwalian at korapsyon ang mga nasibak.

Isa sa apat na kagawaran at ahensya ng pamahalaan ang DPWH na iniimbestigahan ng Department of Justice (DOJ) hinggil sa korapsiyon.

Matagal nang batikan sa katiwalian at korapsyon ang DPWH. (NELSON S. BADILLA)

289

Related posts

Leave a Comment