16 NADAGDAG SA COVID CASES SA NAVOTAS

UMABOT sa 16 ang nadagdag sa bilang ng mga nagpositibo sa COVID-19 sa Navotas City nitong Nobyembre 21, ang pinakamaraming bilang ng mga bagong kaso ng nasabing sakit sa loob ng ilang linggo, habang walo naman ang gumaling.

Nagpahayag ng pagkabahala si Mayor Toby Tiangco sa biglang pagtaas ng active cases sa lungsod na sa kasalukuyan ay nasa 55.

“Nakaaalarma po ito dahil sa mga nakaraang linggo, mababa na ang bilang ng mga nagpopositibo sa ating lungsod. Umabot na nga po tayo sa 3% positivity rate. Kaya nakikiusap po ako sa lahat, pag-igihan pa natin ang pag-iingat para makamit na natin ang zero case,” ani Tiangco.

Umabot na sa 5,031 ang nagpopositibo sa COVID-19 sa lungsod, 5,241 na ang gumaling at 155 ang namatay.

Samantala, ayon sa Malabon City Health Department ay walang nadagdag na confirmed case nitong Nobyembre 21 kaya nananatili sa 5,732 ang tinamaan ng covid sa lungsod at 31 na lamang ang active cases.

Dalawa naman ang pasyenteng gumaling, kapwa mula sa Barangay Bayan-bayanan at sa kabuuan ay 5,483 ang recovered patients ng lungsod habang 218 na ang naitalang namatay dahil sa pandemya. (ALAIN AJERO)

132

Related posts

Leave a Comment