17 HUMAN TRAFFICKING VICTIMS SA MALAYSIA, BALIK PINAS

NA-DEPORT pabalik ng Pilipinas ang 17 Pilipino na biktima ng human trafficking sa Malaysia at dumating sa Zamboanga City sakay ng MV Antonia, ayon sa Bureau of Immigration (BI).

Kasama sa grupo ang isang pamilya na may apat na miyembro—ama, ina, at dalawang anak na lalaki—na nirekrut noong 2023 at umalis sa bansa gamit ang ilegal na ruta ng migrasyon, kilala bilang “backdoor” mula Jolo, Sulu, sakay ng speedboat.

Ang ama ay pinangakuan ng trabaho sa isang kumpanya ng palm oil sa Malaysia, na may sahod na 2,000 Malaysian Ringgit bawat buwan hanggang sumunod ang kanyang pamilya, ngunit makaraan ang dalawang taon ay nakaranas sila ng pang-aabuso mula sa kanilang employer.

Ang isa pang grupo ng anim na deportee ay nagbayad ng 1,700 Malaysian Ringgit para sa ilegal na pagdaan sa hangganan subalit pagdating sa Malaysia ay tumalon sila sa dagat hanggang sa ginawa silang undocumented na manggagawa sa parehong plantasyon na pag-aari ng isang mamamayang Tsino.

May dalawa pang batch na pumasok sa Malaysia gamit ang parehong irregular na ruta noong 2022, 2023, at 2024 na parehong na-detain ng limang buwan bago ma-deport.

Kinondena ni BI Commissioner Joel Anthony Viado ang patuloy na pagsasamantala sa southern maritime route ng mga human trafficker at binigyang-diin ang pangangailangan ng pagpapalakas ng seguridad sa mga lugar na ito.

Nagpasalamat naman ang BI sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) sa patuloy nitong pagsisikap na matukoy ang mga kritikal na lugar na nangangailangan ng higit pang presensya ng seguridad at kooperasyon ng mga ahensya.

Ang mga repatrayadong biktima ay kasalukuyang nasa pangangalaga ng Department of Social Welfare and Development at iba pang partner agencies para sa kanilang tulong at debriefing.

(JOCELYN DOMENDEN)

23

Related posts

Leave a Comment