17 INCUMBENT PARTY-LISTS LAGLAG

BIGONG makabalik sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang may labing pitong (17) incumbent party-list organization matapos hindi makakuha ng sapat na boto sa nakaraang mid-term elections.

Sa pagsusuri ng SAKSI Ngayon, hindi makababalik sa Kamara ang Gabriela party-list dahil ika-55 ito sa ranking ng party-list group.

Nasa 54 organisasyon lamang ang idineklara ng Commission on Elections (Comelec) na nanalo kabilang na ang Duterte Youth at Bagong Henerasyon (BH) party-list na sinuspinde ang proklamasyon dahil sa mga nakabinbing disqualification case.

Kabilang sa mga incumbent party-list na hindi sinuwerte ang Anakalusugan, Barangay Health Workers (BHW), Kabayan, Angat, Tutok to Win, Kalinga, 1Pacman, ang Probinsyano, Probinsyano Ako, Abono, Pinuno, Agri, OFW, API at TicTok.

Maging ang Pambansang Bayaning Atleta (PBA) party-list na kinatawan ni Atty. Margarita Nograles na natalo kay Rep. Paolo Duterte sa congressional race sa unang distrito ng Davao City ay nangulelat sa nakaraang eleksyon matapos makakuha lamang ng 35,012 boto.

Umaabot naman sa 18 ang bagong saltang party-list na magkakaroon ng tig-isang upuan sa 20th Congress kabilang na ang Kapuso PM, SSS-GSIS Pensyonado, Nanay, 1Tahanan, Magbubukid at ABAMIN.

Kasama rin sa mga nanalong baguhang party-list group ang KM-Ngayon Na, One-Coop, Kamalayan, Kamanggagawa, Asenso Pinoy, Pinoy Worker, 4K, FPJ Panday, Mamamayang Liberal (ML), PPP, Trabaho at Solid North.

Magsisimula ang trabaho ng mga kinatawan ng mga baguhang party-list group sa June 30, 2025 ng tanghali hanggang June 30, 2028 at sasahod ang mga ito ng P273,278 kada buwan bukod sa iba’t ibang allowances tulad ng communication, transportation allowances at iba pa na karaniwang hindi isinasapubliko ang halaga.

Tulad ng district congressmen, ang mga party-list representative ay may pondo rin para sa kanilang pet projects na kanilang isusumite sa Department of Budget and Management (DBM).

Magkakaroon din ang mga ito ng diplomatic passport subalit kailangang magpaalam ang mga ito sa liderato ng Kamara bago sila lumabas ng bansa.

(BERNARD TAGUINOD)

47

Related posts

Leave a Comment