17 LGUs TUMANGGAP NG PATIENTS TRANSPORT VEHICLE MULA SA PCSO

TUMANGGAP ng patient transport vehicles mula sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ang lahat ng Metro Manila mayors kasabay ng isinagawang huling Metro Manila Council Meeting ngayong taon sa lungsod ng Maynila.

Pinangunahan ni MMDA Chairman Atty. Don Artes ang pagpupulong sa Diamond Hotel noong Martes ng hapon.

Nagpasalamat naman si Artes sa mga mayor na dumalo at sa kanilang suporta sa buong taong 2025 at aasahan aniya na mas marami pang suporta ang matatanggap sa 2026.

Ayon kay Artes, kasama sa kanilang pinag-usapan sa pulong ang programa ng DOH para sa pagdiriwang ng ligtas sa Kapaskuhan at Bagong Taon, kung saan namahagi ng PTV sa bawat LGU sa Metro Manila na maaaring magamit sa oras ng emerhensiya.

Isa ang pamahalaang lungsod ng Maynila sa nakatanggap ng PTV kung saan sinabi ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso na malaking tulong ito at mahalaga para matugunan ang pangangailangan sa medical emergencies.

Magpapalakas din ito sa kapasidad ng LGUs para maghatid ng mga may sakit sa mga ospital.

Sa turn-over ng mga PTV, sinabi naman ni PCSO General Manager Mel Robles, ang ambulansya ay equipped o may nakalagay nang mga kagamitan tulad ng stretcher, oxygen tank at first-aid kit.

Bukod dito, nakatanggap din ang 12 LGUs ng lotto-share checks mula PCSO para pondohan ang mga lokal na programa sa kalusugan at serbisyo publiko.

Ayon kay Artes, bahagi ito ng direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na mabigyan ng PTV ang lahat ng local government units sa buong bansa upang palakasin ang emergency medical response.

Nagpasalamat naman si MMDA Chairman Don Artes at mga alkalde, kabilang si MMC president at San Juan City Mayor Francis Zamora, dahil malaking tulong ang mga PTV sa mabilis na pagresponde sa medical emergencies at sa pagtataguyod ng mas matibay na health care system.

(JOCELYN DOMENDEN)

32

Related posts

Leave a Comment