17K PERSONNEL IDE-DEPLOY NG PCG SA SEMANA SANTA 2026

MAGDEDEPLOY ang Philippine Coast Guard (PCG) ng 17,000 personnel sa buong bansa para sa Oplan Biyaheng Ayos: Semana Santa 2026 upang masiguro ang kaligtasan at seguridad sa dagat sa gitna ng inaasahang pagdami ng mga pasahero sa dagat mula Marso 28 hanggang Abril 5, 2026.

Inatasan ni PCG Commandant Admiral Ronnie Gil L. Gavan ang lahat ng Coast Guard Districts, Stations, at Substation na magtaas ng alerto at palakasin ang pagbabantay sa mga passenger vessel, pantalan, at nautical highways.

Ipinag-utos din ni Department of Transportation (DOTr) Acting Secretary Giovanni Lopez na paiigtingin ng DOTr Maritime Sector ang operasyon sa pamamagitan ng mas mahigpit na inspeksyon sa mga barko, kabilang ang pre-departure inspections upang maiwasan ang overloading, at mas matibay na pagpapatupad ng maritime safety regulations.

Tutulong ang PCG personnel sa DOTr upang masiguro ang maayos at ligtas na paglalakbay sa dagat ngayong Lenten season. Magkakaroon ng 24/7 monitoring sa mga passenger vessel at nautical highways, lalo na sa mga pangunahing inter-island routes sa western at eastern seaboards.

Magkakaroon din ng port inspections at passenger screening ang PCG K9 units at security teams upang maiwasan ang ilegal na aktibidad at maritime crimes. Bukod dito, ang search and rescue units, medical teams, at deployable response groups ay magbabantay upang agad tumugon sa maritime emergencies.

Makikipag-ugnayan ang PCG sa mga lokal na pamahalaan at lifeguards upang palakasin ang pagbabantay sa kaligtasan sa mga beach at maritime recreation sites. Magkakaroon ng regular na coastal at seaborne patrols upang masiguro ang presensya ng Coast Guard at mabilis na tugon sa mga insidente sa dagat.

Pinaalalahanan ang sea passengers na huwag magdala ng mga ipinagbabawal na gamit tulad ng flammable liquids, hazardous chemicals, fireworks, at iba pang delikadong materyales upang maiwasan ang abala sa kanilang biyahe.

Ipatutupad ng PCG ang mga hakbang na ito sa pakikipagtulungan sa Armed Forces of the Philippines, Philippine National Police, Philippine Ports Authority, Maritime Industry Authority, at mga lokal na pamahalaan.

(JOCELYN DOMENDEN)

105

Related posts

Leave a Comment