18 KALABOSOSA MAHJONG

BULACAN – Umabot sa 18 katao ang nadakip ng mga awtoridad sa ikinasang anti-illegal gambling operation ng Bulacan PNP sa Malolos City, Meycauayan City at mga bayan ng Pulilan at Bocaue nitong Biyernes.

Base sa report ng pulisya, apat katao ang nadakip nang pinagsanib na puwersa ng 1st Provincial Mobile Force Company (PMFC) at Malolos City PNP sa Grand Royale Subdivision sakop ng Barangay Pinagbakahan, Malolos City nang mahuli sa aktong nagma-majhong sa pampublikong lugar at nakakumpiska ng apat na silya, isang mesa, mahjong set at P4,040 cash.

Samantala, siyam katao naman ang nadakip sa Barangay Iba at Barangay Lawa sa Meycauayan City makaraang mahuli sa aktong nagsusugal ng tong-its at pusoy at nakumpiskahan ang mga suspek ng tatlong set ng playing cards at tayang halos P700.

Habang sa bayan ng Pulilan ay dalawa pa ang inaresto dahil sa sugal na color games sa perya at nakuha rito ang isang set ng color games paraphernalia at P274 cash habang tatlong katao rin ang dinakip sa bayan ng Bocaue dahil sa pagsusugal ng cara y cruz at nakumpiska ang tayang umabot sa P4,500.

Nakumpirmang lalo pang pinaiigting ngayon ng Bulacan PNP ang kampanya laban sa illegal gambling sa Bulacan bunga ng direktiba mula sa regional office.

Nakapiit na ang arestadong mga suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa PD 1602 (illegal gambling). (GINA BORLONGAN)

 

412

Related posts

Leave a Comment