TINATAYANG 19 na repatriated overseas Filipino workers (OFWs) ang nasuri na positibo sa COVID-19.
Sinabi ni Carlito Galvez Jr., head of the National Task Force Against COVID-19 sa regular Laging Handa briefing na 2,100 OFWs na sapilitang umuwi dahil sa pandemic ang nasuri para sa COVID-19 nang dumating sa bansa.
“So far, 19 po ang positive, and we are waiting for an official report from the Philippine Red Cross,” ayon kay Galvez.
Aniya, ang mga quarantine facilities para sa mga magbabalik-bayan na OFWs ay halos puno na dahil 23,480 OFWs ang kasalukuyang sumasailalim sa 14-day quarantine para maiwasan ang posibleng COVID-19 transmission.
Ito ang nag-udyok sa pamahalaan para pansamantalang suspendihin ang inbound flights sa Pilipinas hanggang Mayo 8.
“Dapat po, 400 to 500 per day lang [ang darating] para ma-manage po natin mabuti,” dagdag na pahayag ni Galvez.
Sa kasalukuyan, ang Pilipinas ay may 9,684 COVID-19 kaso na may 1,408 ang gumaling habang 637 naman ang pumanaw. CHRISTIAN DALE
