NANANATILI sa alert level 2 ang Bulkang Taal dahil patuloy itong nakikitaan ng abnormalidad.
Sa nakalipas na 24-oras, nakapagtala ng labingsiyam (19) na volcanic earthquakes ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).
Sa ulat mula sa Phivolcs ngayong araw, bukod sa pagyanig ay naitala rin ang mahinang pagsingaw, na may taas na sampung (10) metro, mula sa mga fumaroles o gas vents sa main crater.
Bunga nito, pinaaalalahanan ng ahensya ang publiko sa banta ng paulit-ulit na pagputok ng bulkan, volcanic earthquake, bahagyang abo at mapanganib na pagbuga ng volcanic gas na maaaring biglaang maganap sa paligid ng bulkan.
Mahigpit ding ipinagbabawal ng Phivolcs ang pagpasok sa Permanent Danger Zone o PDZ ng Bulkang Taal.
Pinaalalahanan din ng Phivolcs ang mga lokal na pamahalaan na patuloy na suriin at pagtibayin ang kahandaan ng mga dati nang nilikas na barangay sa paligid ng Lawa ng Taal kung sakali mang magkaroon ng panibagong pag-aalburoto ang bulkan.
Nagbabala rin ang Phivolcs sa civil aviation na paalalahanan ang mga piloto na iwasan magpalipad malapit sa bulkan. (PAOLO SANTOS)
157
