INAASAHANG mahigit 2.1 milyong pasahero ang bibiyahe pauwi ng kani-kanilang probinsya para sa Undas 2025, ayon sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX).
Sa Kapihan sa Manila Bay nitong Miyerkoles, sinabi ni PITX Chairman Jason Salvador na mula Oktubre 27 hanggang Nobyembre 4, libu-libong biyahero ang dadaan sa terminal. Pinakamataas umano ang inaasahang dagsa sa Oktubre 30, partikular mula alas-5 ng hapon, kaya hinikayat ang publiko na mag-book online at agahan ang biyahe upang maiwasan ang siksikan at pagkaantala.
Tiniyak ni Salvador na sapat ang supply ng mga bus at pinaalalahanan ang mga pasahero na huwag magdala ng deadly weapons o delikadong bagay sa terminal para maiwasan ang abala.
Samantala, sinabi ni Department of Transportation (DOTr) Acting Secretary Giovanni Lopez na tuloy-tuloy ang hakbang ng ahensya para gawing ligtas at komportable ang biyahe ng mga commuter — hindi lang ngayong Undas kundi hanggang sa Holiday Season.
Binigyang-diin ni Lopez ang mahigpit na kampanya kontra fixer at abusadong kawani, at nanawagan sa mga enforcer na seryosohin ang pagpapatupad ng batas sa kalsada. Dagdag pa niya, dapat ring maging mapagmatyag ang publiko laban sa mga masasamang elemento na maaaring manamantala.
Sa panig naman ng Transport Security Chief Gilbert Cruz, tiniyak niyang mahigpit na binabantayan ng mga tauhan ang lahat ng paliparan laban sa “laglag-bala”.
(JULIET PACOT)
29
