GUSTO ko ang tudla ng administrasyong Duterte na lilikha ng 2.8 milyong trabaho ngayong 2021.
Tapos, 1.2 milyon naman ang lilikhain sa 2022.
Uulitin ko po, lilikhain, hindi mamadyikin ang numero.
Ang nagsabi nito ay si Cabinet Secretary Karlo Nograles.
Sabi ni Nograles, ang 2.8 milyong trabaho ay siyang gagawin ng labing-apat na kagawaran at dalawang tanggapang sakop ng Office of the President (OP), sa pamamagitan ng tinatawag na “National Employment Recovery Strategy” (NERS).
Pokaragat na ‘yan!
Ayon kay Nograles, lumagda sa Memorandum ng NERS ang Department of Labor and Employment (DOLE), Department of Trade and Industry (DTI), Technological Education and Skills Development Administration (TESDA), Commission on Higher Education (CHEd), Department of Agrarian Reform (DAR), Department of Agriculture (DA), Department of Education (DepEd), Department of Environment and Natural Resources (DENR), Department of Information and Communications Technology (DICT), Department of the Interior and Local Government (DILG), Department of Public Works and Highways (DPWH), Department of Science and Technology (DOST), Department of Tourism (DOT), Department of Transportation (DOTr), National Security Council (NSC) at ang Office of the Cabinet Secretary (OCS).
Biruin n’yo, kasama sa mga kikilos at gagawa ng paraang upang makamit ang 2.8 milyong trabaho ngayong 2021 at 1.2 milyon sa 2022 ang NSC at OCS na pinamumunuan ni Nograles.
Ibig sabihin, napakataas ng antas ng pagtutulungan ng mga kalihim ng iba’t ibang kagawaran kung saan maging ang tanggapan ni Nograles ay kasama pa sa mga ahensiyang magpapakahirap upang magkaroon ng trabaho ang mga manggagawang Filipino na nawalan ng trabaho nitong 2020 dahil sa pananalasa ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa ekonomiya ng ating bansa.
Okey lang kung tutulong ang OCS upang magkatrabaho ang mga Filipino.
Ngunit, huwag sanang gamitin ni Ginoong Karlo Nograles ang partisipasyon niya sa NERS para sa kanyang ‘interes’ na tumakbong senador sa halalang 2022.
Ang hindi talaga maarok ng isipan ko ay ang paglahok ng NSC.
Hindi ko maintidihan na kasama sa paglikha ng milyun-milyong hanap-buhay ang ahensiya ng pamahalaan na paniniktik laban sa mga kaaway ng estado ang trabaho, tungkulin at obligasyon sa pamahalaan at bayan.
Maganda ang tudla ng administrasyong Duterte dahil masyadong malaki ang bilang ng mga Filipino na nawalan ng trabaho sa nakalipas na taon, lalo na nang matigil ang operasyon ng napakaraming negosyong kabilang sa Micro, Small, Medium Enterprises (MSMEs).
Biruin n’yo, 2.8 milyon ang lilikhaing trabaho ngayong 2021, samantalang ang ginamit na batayan ng NERS ay ang datos ng Philippine statistics Authority (PSA) na 420,000 milyong manggagawang nawalan ng trabaho sa nakalipas na taon.
Kaya, sobrang dami ng 2.8 milyon.
Tapos, madaragdagan pa ito ng 1.2 milyong trabaho sa 2022.
Ibig sabihin, hindi na magiging suliranin ng mga manggagawa ang kawalan ng trabaho sa Pilipinas kahit tapos na ang termino ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Hunyo 30,2022.
Pokaragat na ‘yan!!!
At mistulang ipinunto ni Nograles na makakamit ang 2.8 milyong trabaho ngayong 2021 at 1.2 milyon sa susunod na taon kahit si DOLE Secretary Sylvestre Bello III ang mamumuno sa pagpapatupad ng NERS.
Pokaragat na ‘yan!
Kapag naging totoo itong iwinasiwas sa media ni Nograles, si Rodrigo Duterte na ang pinakamagaling sa lahat ng pangulo ng Republika ng Pilipinas.
Bakit hindi?
Kapag natapos ang 2021 ay “zero unemployment” na sa ating bansa dahil 2.8 milyon nga ang trabahong lilikhain ng labing-apat na kagawaran at dalawang tanggapan ng pamahalaan, samantalang 420,000 lang ang nawalan ng trabaho.
Pero, kung pawang pambobola at kasinungalingan itong binanggit ni Nograles, ay magtago na siya sa Davao City dahil hahabulin siya ng mga manggagawang nakyutan sa kanyang ibinalita.
Nasabi ko ito dahil, nitong Enero ay inilabas ni Bello sa media na limang milyong manggagawa ang nawalan ng trabaho nitong 2020.
Ayon naman sa Social Weather Stations (SWS), umabot sa 12.7 milyon ang nawalan ng trabaho noong Nobyembre 2020 mula sa 23.7 milyon ng nakalipas na dalawang buwan.
Upang makamit ang pinakawalang datos ni Nograles, ipinaliwanag niyang naniniwala ang “NERS Task Force, [that] there is a lot of hard work ahead, but just thinking of the employment we will help create and keep, and the lives that we will help make better, is more than enough motivation to press on”.
Sabi pa niya na ang mga “signatory and partner agencies are all in agreement that we need to support the Filipino worker during these challenging times with programs that are immediate in implementation and comprehensive in scope”.
