2 BI LAWYERS PASIMUNO NG COLOR CODING SCHEME

BISTADOR ni RUDY SIM

DALAWANG mataas na opisyal ng Bureau of Immigration, na pawang mga kumag na abogado, ang siyang pasimuno di-umano ng “Color Coding Scheme” bilang palatandaan na ito ay cleared na, at pasok sa kanilang bulsa at hindi na kailangang dumaan pa sa review ng mga tolongges na unit offices ng ahensya.

Mula nang ibinisto natin ang bagong raket ng dalawang opisyal na itatago na lamang natin sa pangalang “Atty. Yoga Bear” na miyembro ng isang malaking religious group, at Atty. Home Alone”, ay halos umikot ang mga tumbong ng mga ito sa kung sino raw ang nagsumbong sa atin kung paano nabisto kung kaninong naka-assign ang dalawang kulay ng korupsyon sa BI na “Red” at “Orange” folders, na ayon sa nakalap nating impormasyon mula sa isang travel agent, ay maraming Orange at Red na folders ang laging approved sa tuwing mayroong “Agenda” kaya’t matik na ‘yan kung kanino dumaan at kung sino ang mga kumita.

Abay, natural lamang na pumalag ang ilang travel agencies na patas na lumalaban sa kabila na piling-pili ang binibigyan pabor sa kanilang Visa applications, lifting of blacklist at bail ng mga dayuhang patuloy na ginagawang negosyo partikular ng Intelligence Division ni “Mang Kanor”, na huhulihin ang target nilang POGO workers na biktima umano ng hulidap at ito naman ay gagatasan nina Atty. Yoga Bear at Atty. Home Alone.

Bakit ang mga walang kulay na folders na transactions sa BI ay halos inaabot pa ng tatlo hanggang apat ng buwan bago ito aksyunan at kapag minalas-malas pa ay denied ang kanilang papeles kung kaya’t ang ibang travel agency dito ay iniiwanan ng kanilang kliyente at lumilipat sa mga hawak ng dalawang abogado na kontak nilang travel agency para siguradong aprub agad dahil kasabwat din ang isang babaeng may hawak umano ng listahan ng agenda, na bebot di-umano ni “Home Alone”? Aba’y talaga naman…

Kaya’t ngayong kapaskuhan makikita mo sa bawat tanggapan dito, sa tuwing X-mas party ay talagang bigatin ang sponsors ng Intelligence Division at sa tanggapan ng dalawa, mula sa malalaking LED TV at bigating appliances, maging sa handa ay bumabaha ng lechon pero bakit kaya walang “dinuguan”? Aba eh baka naman high blood si Sir o kaya ay samahan n’yo ng puto!

Ngayong nabisto na ang raket ng dalawang abogado rito sa pagkarga ng Chinese workers sa companies sa bansa kahit walang pahintulot, ay tila tahimik itong si “Kume” na walang aksyong ginawa kundi maagang nagpamudmod di-umano ng sobre sa maagang X-mas party sa mga kasama natin sa media… Hmm Bakit kaya… dahil ba takot si Kume ngayong may issues na naman sa BI ng katiwalian? Ito ang mahirap din sa amin sa media na kaya hindi na masusugpo ang korupsyon dahil marami na rin sa amin sa media ang bayaran at korap.

Gaano kaya katotoo ang ating narinig na imbes na kanselahin ang visa at panagutin kung sinong liaison officers ng travel agencies ang responsable sa nakalusot na higit 1,200 Chinese workers na walang pahintulot ng kompanya, ay balak na lamang aregluhin ni Kume ng “Palit Ulo”?

(Ang mga ipinapahayag sa kolum na ito ay sariling opinyon ng sumulat at hindi saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)

23

Related posts

Leave a Comment