SINAMPAHAN ng kasong kriminal sa Department of Justice (DOJ) ng Bureau of Internal Revenue (BIR) Revenue Region No. 4 sina Shi Shanbang a.k.a “Andy Co” at Victor Gaw Sy dahil sa pandaraya sa buwis ng gobyerno.
Ang kasong isinampa ng BIR Region No. 4 ay para sa ‘Unlawful Pursuit of Business, Failure to File Excise Tax Returns, and Unlawful Possession or Removal of Articles Subject to Excise Tax Without Payment of Tax’ na paglabag sa Sections 236, 258 at 263 ng National Internal Revenue Code of 1997 as amended Tax (Tax Code), na nagkakahalaga ng P2,729,417.00.
Si Shanbang ay may registered address sa Mandarin Square, Sta. Cruz, Manila at may residential address sa #131 BH Lopez Jade Garden, Tondo, Maynila.
Samantala, si Victor Gaw Sy ay residente ng #14-A Santiago St., Navotas, Manila.
Ang pagsasampa ng kasong kriminal sa mga negosyante ay resulta ng on-the-spot surveillance ng cigarettes products at inventory ng 100 boxes ng cigarettes na natuklasang walang BIR stamps.
Kaugnay nito, agad kinumpiska ng BIR ang 100 boxes ng sigarilyo sa tulong ng Zaragoza Police at ni Brgy. Kagawad Tambongco.
Ang kaso nina Shi Shanbang a.k.a “Andy Co” at Victor Gaw Sy ay pang-789 naisampa sa ilalim ng Run After Tax Evaders (RATE) program ng BIR, sa ilalim ng pamumuno ni Commissioner Ceasar Dulay.
Ito ay isinampa ng Revenue Region No. 4 City of San Fernando, Pampanga, sa ilalim ng pamumuno ni Regional Director Edgar Tolentino. (JOEL O. AMONGO)
