2-DAY TRANSPORT STRIKE SA CALABARZON KASADO NA

KASADO na ang malawakang transport strike ng grupong STARTER-PISTON sa Southern Tagalog ngayong Huwebes at Biyernes, Disyembre 14-15.

Ayon sa grupo, target nila na 100% na maparalisa ang major routes sa mga lalawigan ng Cavite, Laguna, at Batangas.

Ayon pa sa grupo, nagkumpirma na ng paglahok ang iba’t ibang mga JODA at sectoral organizations sa nasabing mga probinsya.

Kabilang sa inaasahan nilang magiging chokepoints ang Kalinisan, Bacoor; Paliparan, Robinson Pala Pala, at Bulihan sa Cavite.

Sa Laguna, ang strike centers ay sa Kapitolyo extension at ang chokepoints ay sa Waltermart, DOLE IVA, Balibago, Philsteel, Olivarez Biñan at sa Pacita Complex.

Sa Batangas ay ang Lipa City ang magiging strike center.

Itong upang hilingin sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na suriin at irekonsidera ang papalapit na December 31 deadline ng franchise consolidation na bahagi ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP).

Ayon pa sa STARTER-PISTON, ang mahigpit na pamantayan sa Public Utility Vehicle Modernization Program ay magdudulot ng problemang pinansyal sa mga driver at operators at makakaya lamang ng mas malalaking entity.

Ito rin anila ay magiging dahilan sa pagkawala ng pagkakakitaan ng maliliit na mga operator at driver na kumakatawan sa tinatayang 80% ng lahat ng mga operator ng PUV sa bansa, bago matapos ang taon.

Ipinapaabot ng STARTER PISTON ang kanilang pagkadismaya rito.

Ayon kay Miguel Portea, spokesperson ng STARTER-PISTON, “Malungkot at masaklap ang Pasko at Bagong Taon naming mga tsuper dahil sa walang katiyakan sa hanapbuhay dahil sa patuloy na pagraratsada ng PUV Modernization Program na ‘yan!”

Dagdag pa niya, “Simple lang naman ang hiling naming mga tsuper, pero ano ang tugon ng gobyerno sa aming panawagan? Wala! Kahit si Bongbong Marcos Jr. inanunsyo na hindi ie-extend ang deadline nito kaya tuloy ang laban, tuloy ang welga!”

(NILOU DEL CARMEN)

375

Related posts

Leave a Comment