2 DRUG DEN MAINTAINERS, 2 PA TIMBOG SA CEBU CITY

CEBU CITY – Arestado ang live-in partners na nagpapatakbo umano ng drug den, at dalawa pang indibidwal, sa isinagawang buy-bust operation ng mga operatiba ng PDEA Cebu Provincial Office, katuwang ang Cebu City Police Office Station 5, sa Sitio Everlasting, Barangay Pahina San Nicolas sa lungsod.

Kinilala ni PDEA 7 Regional Director Joel B. Plaza ang pangunahing target sa operasyon at itinuturing na drug den maintainers na si alyas “Marjun”, 55, jobless, at ang live-in partner nito si alyas “Mabel”, 25, isang fish vendor, kapwa residente ng nabanggit na lugar.

Nahuli rin ang dalawang bisita sa drug den na sina alyas “Marlon”, 46, market porter, at “Archer, 47, isang sewage cleaner.

Nakumpiska sa operasyon ang anim na pakete ng hinihinalang shabu na tinatayang 10.12 gramo, buy-bust money, P300 halaga na hinihinalang kita mula sa pagbebenta ng ilegal na droga, at iba’t ibang drug paraphernalia.

Isinailalim na sa chemical analysis at tamang disposisyon sa laboratoryo ng PDEA Regional Office ang nakumpiskang mga ebidensya.

Ang pagpapatakbo ng isang drug den ay may katumbas na pinakamabigat na parusa na habambuhay na pagkakakulong at multa mula P500,000 hanggang P10 milyon, habang ang pagpasok sa drug den ay may kaparusahang pagkakakulong mula 12 taon at 1 araw hanggang 20 taon at multa mula P100,000 hanggang P500,000. (JESSE RUIZ)

136

Related posts

Leave a Comment