HAHAWAKAN na ngayon ng Philippine Competition Commission ang dalawang kaso ng bid-rigging na kinasasangkutan ng flood control projects, pahayag ng Department of Public Works and Highways nitong Biyernes.
Sa isang pahayag, sinabi ng DPWH na “pormal nitong isinangguni ang dalawang kaso ng bid manipulation at bid-rigging sa PCC para sa preliminary inquiry at posibleng pagsasampa ng mga kaso sa ilalim ng Section 14, Chapter III ng Philippine Competition Act.”
Ang unang kaso ay laban sa Wawao Builders, IM Construction Corporation, SYMS Construction Trading, St. Timothy Construction Corporation at mga opisyal at empleyado ng DPWH Bulacan 1st District Engineering Office.
Samantala, ang pangalawang kaso ay laban sa Sunwest, Inc. gayundin sa mga opisyal at empleyado ng DPWH Regional Office IV-B.
Sa pagbanggit ng paunang ebidensya batay sa mga pahayag nina contractor Pacifico Discaya at ex-DPWH Undersecretary Roberto Bernardo sa pagdinig ng Senado, sinabi ng DPWH na maaaring magkaroon ng sabwatan sa pagitan ng mga sangkot na contractor at opisyal, isang paglabag sa Philippine Competition Act.
Isa pang posibleng paglabag ay 15 contractor lamang ang nabigyan ng 20% ng lahat ng flood control projects nitong nakaraang tatlong taon na nagkakahalaga ng P100 bilyon, na indikasyon ng bid rotation, ayon sa DPWH.
(JOCELYN DOMENDEN)
