NAKAKUHA ng tatlong proyekto ang mga kompanyang inuugnay kay Uswag Ilonggo Partylist Rep. Jojo Ang Jr. sa Antique.
Batay sa 20-pahinang listahan na nilabas ni dating Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co, nakakuha ang Allencon Development Corp. ni Ang ng tatlong road maintenance contracts sa Antique na nagkakahalaga ng P86 milyon.
Kabilang dito ang dalawang preventive maintenance at asphalt overlay projects sa Bantayan–San Pedro–Cubay Road sa San Jose de Buenavista, at isa sa kahabaan ng Bugo–Gen. Fullon Road sa San Remigio.
Bukod pa riyan, nabigyan din ang International Builders Corporation (IBC), na pag-aari naman ng mga kamag-anak ni Ang, ng dalawang kontrata para sa katulad na proyekto sa Bantayan–San Pedro–Cubay Road.
Una nang inirekomenda ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) sa Office of the Ombudsman na sampahan ng kaso si Ang dahil sa kanyang kaugnayan sa dalawang kompanya na sangkot sa maanomalyang flood control projects.
Sa panahon ng panunungkulan ni Ang bilang kongresista mula 2022, nakaranas ng pag-angat sa government contracts ang Allencon: P125 milyon noong 2022 at P1.29 bilyon sa 2025 para sa kabuuang 103 projects. Sa loob ng siyam na taon, kumita ito ng P2.2 bilyon mula sa government contracts.
Ang IBC naman ay isa sa pinakamalalaking contractor sa Western Visayas, na kumita ng P41 bilyon hanggang P43 bilyon sa mga proyekto mula 2016.
Bukod dito, tinukoy ng kontrobersiyal na contractors na sina Sarah at Curlee Discaya si Ang bilang bahagi ng network ng mga opisyal na tumatanggap ng 10-15 percent kickbacks mula sa infrastructure projects.
Kasama rin ang pangalan ni Ang sa “payoff ledger” ng mga Discaya na isinumite sa Senate Blue Ribbon Committee.
(E GENUINO)
240
