2 MOST WANTED SA RAPE, NABITAG NG PNP-AKG

NADAKIP ng Philippine National Police – Anti-Kidnapping Group ang isang most wanted personality ng Bohol na may kasong 5 counts ng rape, sa isinagawang law enforcement operation ng mga tauhan ni PNP-AKG director, P/BGen. Jonnel C. Estomo noong nakaraang Linggo sa Purok 3, Sitio Lantay, Brgy. Lombog, sa bayan ng Guindulman, sa nasabing lalawigan.

Ayon kay P/Lt. Col. Rannie Lumactod, nagwakas ang tatlong taong pagtatago ng suspek na kinilalang si Junmhar Salamanca Grengia, nang matunton ito ng mga awtoridad.

Si Grengia ay nahaharap sa 5 counts ng rape makaraang ipagharap ng sumbong ng kanyang pinsan na itinago sa pangalang Viron, na noon ay trese-anyos pa lamang.

Nagtago ang suspek nang malamang naghain ng sumbong ang biktima ngunit dahil sa matiyagang pagsasalikisik ng PNP-AKG Visayas Field Unit, na pinamumunuan ni P/Col. Salvador Alacyang, ay natunton ang suspek na umano’y itinago ng kanyang mga kaanak.

Makaraan ang intelligence and surveillance operation ay natukoy ang pinagtataguan ng suspek sa Purok 3, Sitio Lantay, Brgy. Lombog kaya isinagawa ang paghahain ng warrant of arrest na inisyu ni Hon. Samuel Arnilla Biliran, presiding judge ng RTC Branch 50, 7th Judicial Region, Laoay, Bohol.

Samantala, sa hiwalay na operasyon, nadakip naman ng mga tauhan ni BGen. Estomo ang no. 2 most wanted person dahil sa kasong rape sa Cardona, Rizal, sa ikinasang law enforcement operation ng PNP-AKG Luzon Field Unit, na pinamumunuan ni P/Col. Villaflor Bannawagan.

Kinilala ni P/Lt. Col. Ronaldo Lumactod, PNP-AKG Public Information Officer, ang nadakip na si Orly Gumba Omega na may kasong rape at walang piyansang inirekomenda para sa suspek.

Nabatid na itinuro si Omega ng ilang kapitbahay nito kaya mabilis na naisilbi ang warrant of arrest na inilabas ni Hon. Anna Limbo Francesca, presiding judge ng RTC Branch 69, 4th Judicial Region, Binangonan, Province of Rizal, dahil sa kasong rape.

Kasalukuyang nakadetine ang mga suspek sa AKG lock-up jail para sa tactical interrogation at booking procedures. (JESSE KABEL)

247

Related posts

Leave a Comment