2 PATAY, 3 SUGATAN SA BUMAGSAK NA CHOPPER

RIZAL – Patay ang dalawa katao habang tatlo pa ang malubhang nasugatan sa pagbagsak ng isang civilian chopper sa bayan ng Pililla sa lalawigan nitong Martes ng umaga.

Ayon sa ulat ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), isang Bell 505 helicopter ang bumagsak kasunod ng tinangka nitong forced landing sa Barangay Quisao sa bayan ng Pililla.

“The aircraft was en route from Manila to Quezon Province when the incident occurred,” ayon sa CAAP.

Nabatid na lima katao, kabilang ang dalawang dayuhan, ang sakay ng aircraft nang mangyari ang insidente bandang alas 7:20 ng umaga.

Isa sa mga biktima ang idineklarang dead on the spot habang ang isa naman ay dead on arrival sa ospital.

Ang tatlong sugatan ay dinala sa Rizal Provincial Hospital sa Morong para agad malapatan ng lunas

“Unfortunately, dead on site ‘yung isa. ‘Yung isa, dead on arrival sa hospital kasi may konting pulse pa siya, pinadala pa rin ng municipal doctor namin sa hospital, tapos doon na siya na-declare na dead on arrival,” ayon sa local government official.

“Critically injured ‘yung pilot and it’s being processed right now for transfer sa mas malaking hospital. We’re still trying to get the names of the fatalities kasi mahirap ma-mix up,” ayon naman sa Facebook post ni Pililla Mayor John Masinsin

Ayon sa alkalde, mapalad na walang nadamay na mga residential house sa pinagbagsakan ng chopper, na may 50 metro lamang ang layo sa pinakamalapit na kabahayan.

“According sa hepe namin, lahat ng identification naman nila, okay naman. Licensed pilot siya kasi someone from the Aviation Group already called me. Kilala nila ‘yung pilot,” ayon pa kay Masinsin.

Ayon sa CAAP, napasabihan na ang pamilya ng mga nasawi at nasugatan sa insidente.

Kaugnay nito, patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad sa sanhi ng pagbagsak ng chopper.

(JESSE RUIZ)

1

Related posts

Leave a Comment