BULACAN – Dalawang hinihinalang drug pusher ang napatay nang kumasa sa mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Bocaue PNP sa Barangay Bunlo, Bocaue habang 48 iba pang drug suspects ang nasakote sa 24-oras na Simultaneous Anti-Criminality Law Enforcement Operation (SACLEO) sa Lalawigang ito noong Sabado.
Base sa isinumiteng report kay P/Col. Lawrence Cajipe, Bulacan police director, hindi pa nakikilala ang dalawang napatay na drug suspect na binaril ng mga awtoridad nang kumasa sa buy-bust operation ng pulisya.
Nakuha sa mga suspek ang dalawang maigsing baril at ilang pakete ng umano’y shabu at buy-bust money.
Ayon sa ulat ng pulisya, sa isinagawang buy-bust operation sa Barangay Bunlo, Bocaue ng SDEU operatives ng Bocaue Police sa overall supervision ni P/Major Marvin Aquino, chief of police ng Bocaue Municipal Police, nakatunog ang dalawang suspek na undercover policeman ang katransaksyon kaya bumunot ng baril at nanlaban na nagresulta sa kanilang pagkamatay.
Samantala, 48 drug suspects pa ang nadakip ng Bulacan Provincial Intelligence Unit (PIU) at SDEU operatives sa 21 bayan at tatlong siyudad sa Bulacan sa 24-oras na SACLEO na nagsimula noong Biyernes ng gabi hanggang Sabado ng gabi.
Umabot sa kabuuang 255 pakete ng shabu at marijuana, drugs paraphernalia, buy-bust money, dalawang caliber .38 revolver, at motorsiklo ang nakumpiska sa mga suspek sa 24 oras na anti-drugs at anti-criminality operation.
Bukod pa rito ang 23 nasakoteng sugarol sa anti-illegal gambling operation at tatlong suspek na nasilbihan ng search warrant sa matagumpay na operasyon ng Bulacan PNP. (GINA BORLONGAN)
175 