2 POLITIKO SA NORTHERN LUZON FINANCIER NG ILLEGAL YOSI FACTORY – DILG

TINUKOY ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla na dalawa umanong politiko ang hinihinalang financier ng malaking pabrika ng ilegal na sigarilyo na sinalakay sa Mexico, Pampanga.

Bagama’t tumangging magbigay ng karagdagang detalye, tila nadulas ang kalihim matapos banggitin na mga kongresista ang kanyang tinutukoy.

Isinagawa ang inspeksyon sa naturang pagawaan na pinaniniwalaang pinagmumulan ng mga smuggled na sigarilyong naibebenta hanggang sa mga sari-sari store.

Bukod sa dalawang politiko, iniimbestigahan din ang apat na incorporators ng kumpanyang Samyoung Global na umuupa ng lupa sa Barangay Panipuan kung saan itinayo ang pabrika.

Mahaharap din sa kasong human trafficking ang mga may-ari ng pagawaan matapos madiskubreng mala-POGO umano ang operasyon na ikinukulong at sapilitang pinagtrabaho ang mahigit 60 Pilipino na nailigtas noong Enero.

Nitong Huwebes ng umaga, sanib-puwersang ininspeksyon ng Philippine National Police (PNP), Bureau of Customs (BOC), at DILG ang pabrika na unang sinalakay noong Enero 28.

Ayon kay PNP Chief PGen. Jose Melencio Nartatez Jr., hindi titigil ang pulisya sa pagtugis sa mga sindikatong sangkot sa smuggling.

“Bangungot ang PNP sa mga sindikatong nagpupuslit ng iligal na produkto. Patuloy ang aming high-impact operations na nagresulta sa pagkakasabat ng multi-bilyong pisong halaga ng pekeng at puslit na produkto,” ani Nartatez.

Iginiit ng PNP ang kanilang pagtutok sa internal security at proteksyong pang-ekonomiya sa pamamagitan ng serye ng operasyong naglalayong buwagin ang mga smuggling syndicate na sumisira sa ekonomiya ng bansa.

(TOTO NABAJA)

2

Related posts

Leave a Comment