NAIBALIK na sa Delpan quarantine facility ang dalawang Person Under Investigation (PUI) dahil sa COVID-19 matapos silang tumakas kahapon.
Nabatid kay Manila Police District Director P/Brigadier General Rolando Miranda, ang dalawang PUI ay mga detainee na may kasong paglabag sa RA 9165 at paglabag sa RA 7610.
Pansamantala silang dinala sa Delpan facility upang maiwasang mahawa ang kanilang mga kasamang bilanggo.
Gayunman, bandang 7:30 ng umaga kahapon ay natuklasan ang kanilang pagkawala.
“Nakuha lang po sila ng pulis kanina sa Sta. Ana area,” ayon kay General Miranda sa panayam.
Kasabay nito, nagsasagawa na ng contract tracing ang MPD sa mga taong posibleng nakasalamuha ng mga tumakas na PUI Detainee.
Nabatid na maging ang ilang pulis na kasamang humuli sa mga ito ay isasailalim na rin sa quarantine. RENE CRISOSTOMO
