NAHAHARAP sa kasong 2 counts ng reckless imprudence resulting in multiple physical injuries at paglabag sa RA 10586 (Anti-Drunk and Drugged Driving Act of 2013) ang isang 35-anyos na Internet staller/seller, makaraang mabundol ang dalawang pulis sa gilid ng simbahan ng Quiapo nitong madaling araw ng Sabado.
Kinilala ni P/Brigadier General Leo “Paco” Francisco ang suspek na si Ronald Asquivel y Guinto, may asawa at residente ng #42 Kahunari St., San Jose, Navotas City.
Kasalukuyan namang inoobserbahan sa Chinese General Hospital ang dalawang miyembro ng Manila Police District-Plaza Miranda Police Community Precinct sakop ng Station 3, na sina Benjamin De Guzman, 47-anyos, may asawa, ng #1320 Camba St., Tondo, at Ronnel Yambao, 32, binata, ng #1339 Mayhaligue St., Tondo.
Batay sa ulat ni P/EMS Orlando Ramos ng Manila District Traffic Enforcement Unit, telephone operator, bandang alas-2:30 ng madaling araw nang tumawag sa kanilang tanggapan ang Plaza Miranda PCP hinggil sa nasabing insidente.
Agad namang nagresponde ang mga tauhan ng MDTEU at isinailalim sa imbestigasyon ang insidente sa southbound lane ng Quezon Boulevard sa tabi ng simbahan ng Quiapo.
Nabatid kay P/SSG Neil Mark Mabasa, may hawak ng kaso, habang naka-detail ang mga biktima sa lugar nang sumulpot umano na pagewang-gewang ang isang gray na Yamaha Mio sporty (1336-0474485) at binundol ng rider nito ang dalawang pulis.
Nabatid sa isinagawang medical check-up kay Asquivel sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center, na ito ay lasing nang mangyari ang insidente. (RENE CRISOSTOMO)
266 