INIULAT ng Bureau of Immigration ang pag-aresto sa dalawa pang puganteng South Korean na pinaghahanap ng mga awtoridad sa Seoul at Interpol dahil sa pagnanakaw at ilegal na pagsusugal.
Sa isang pahayag, sinabi ni Immigration Commissioner Joel Anthony Viado, ang dalawang dayuhan ay naaresto noong Marso 3 sa magkahiwalay na operasyon na isinagawa ng mga operatiba mula sa Fugitive Search Unit (FSU) ng BI sa mga lungsod ng Cebu at Parañaque.
Sinabi ni Viado, ang parehong Koreano, na napapailalim sa red notice mula sa Interpol, ay inaresto sa kahilingan ng gobyerno ng South Korea na humingi ng tulong sa BI sa paghahanap at pagpapa-deport sa nasabing mga pugante.
Si Sim Sooryong, 38-anyos, ay naaresto sa Brgy. Talamban, Cebu City sa kasong pakikipagsabwatan sa isang pagnanakaw sa isang biktima matapos atakihin ang huli gamit ang palakol sa ulo at iba pang bahagi ng kanyang katawan, habang sa Dr. A. Santos Avenue, San Dionisio, Paranaque City naman naaresto si Kim Kwanghyun, 40-anyos na wanted dahil sa paglalagay ng gambling sites sa internet.
Lumabas sa imbestigasyon na parehong overstaying na sa bansa ang dalawang Koreano.
Ang huling pagdating ni Sim dito ay noong Pebrero 3, 2019, habang si Kim ay dumating noong Enero 28, 2018. (JOCELYN DOMENDEN)
