PATAY ang dalawang pinaniniwalaang mga carnapper matapos makorner at makipagbarilan sa mga otoridad sa Purok Pagasa, Barangay Caloocan, Koronadal City, Huwebes ng gabi.
Kinilala ni Koronadal City Chief of Police, Lieutenant Colonel Joefel Siason ang isa sa dalawang suspected carnapper na nasawi sa shootout na si Rahib Omar Alikaya.
Habang inaalam pa ang pagkakakilanlan ng kasama nito.
Ang mga ito ay nakorner sa follow up operation ng mga kasapi ng Koronadal City PNP sa Purok Pagasa, Barangay Caloocan, alas 7:30 ng gabi.
Ito ay matapos isumbong sa PNP ng isang Jomar Pareno, 32-anyos, ng Purok Guanzon, Barangay Morales Koronadal, ang pagkawala ng kanyang Honda XRM motorcycle na naka-park sa harap ng isang establisimyento sa Roxas Street.
Sa halip na sumuko, pinaputukan pa umano ng mga suspek ang mga pulis na gumanti naman sa kanila.
Si Alikaya at kasama nito na kapwa nagtamo ng multiple gunshot wounds ay agad binawian ng buhay. Narekober ng mga pulis sa lugar na pinangyarihan umano ng shootout ang cellphone, identification cards, assorted documents, at ang tinangay na motorsiklo ni Parreno.
Nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng Koronadal PNP sa insidente. Bong Paulo
142
