ANTIPOLO – Arestado ang dalawang suspek sa rent-tangay modus matapos matunton ng mga awtoridad ang kinaroroonan ng sasakyan dahil sa GPS (Global Positioning System) nito, noong Enero 14, 2025 sa Sitio Tanza 1, Brgy. San Jose sa lungsod.
Kinilala ni PCol. Felipe Maraggun ang mga suspek na sina alyas “Bads,” 28-anyos, at alyas “Josh,” 20-anyos.
Ayon sa ulat, Enero 12, bandang alas-dos ng umaga, nagkasundo sa NAIA Terminal 3 sa Pasay City ang biktimang may-ari ng van at mga suspek na rentahan ang sasakyan ng isang araw at gagamitin anila sa kasal sa Batangas.
Ipinakita lamang umano ng mga suspek ang kanilang driver’s license at agad nagkasundo ang dalawang partido na ibabalik na lamang ang L300 van kinabukasan, Enero 13, 2025, dakong alas-9:00 ng gabi.
Ngunit hindi na umano naibalik ang sasakyan at hindi na rin makontak ng biktima ang mga suspek kaya minabuting isuplong sa mga awtoridad.
Sa isinagawang follow-up operations ng Rizal Provincial Highway Patrol Team (Lead Unit) at Antipolo Component City Police Station at sa tulong ng nakakabit na GPS, agad natunton ang kinaroroonan ng sasakyan sa isang compound bandang alas-6:58 ng gabi.
Matapos matiyak sa may-ari ng compound na naroroon pa ang dalawang suspek, agad hinuli ang mga ito sa aktong ikinakarga sa isang sasakyan ang pira-pirasong bahagi ng ninakaw na van.
Bukod sa iba’t ibang chop-chop na bahagi ng mga sasakyan, narekober din sa dalawang suspek ang maraming susi ng ninakaw na mga sasakyan sa rent-tangay na modus operandi ng mga ito.
Nasa kustodiya na ng Antipolo Component City Police Station Custodial Facility ang suspek habang pinaghahanap ang iba pang mga suspek na kasama sa transaksyon sa biktima.
Ang mga suspek ay isinalang na sa inquest proceedings sa kasong paglabag sa RA 10883 o New Anti-Carnapping Act of 2016. (NEP CASTILLO)
10