20% TAX NG POLL WORKERS IPRINOTESTA

NAGPROTESTA kahapon ang samahan ng mga public school teacher upang muling ipanawagan ang pagbawas sa buwis sa mga allowance at election service honorarium na kanilang natatanggap.

May mga grupong nangalampag sa harap ng tanggapan ng Commission on Elections (Comelec) sa Intramuros, Maynila at mayroon ding lumahok sa online protest.

Pinalagan ng mga guro na magsisilbi sa darating na halalan na imbes 5 porsyento lamang ang buwis na kakaltasin sa kanilang honorarium ay itataas umano ito sa 20 porsyento.

“Ang panawagan namin tanggalin ang di-makatwirang 5% tax sa kakarampot na allowances at honoraria ng mga gurong magsisilbi sa eleksyon. Hindi na nga sinagot ang daing namin, basta-basta pang tinaasan ang buwis sa amin!” reklamo ng Alliance of Concerned Teachers na kinakatawan ni Rep. France Castro sa Kamara.

Hindi nagustuhan ng nasabing grupo lalo na ang mga nakabase sa National Capital Region (NCR) ang anila’y hindi makatarungang buwis na itinaas sa halip na ang kanilang honoraria.

Unang tinabla ng Comelec ang kahilingan ng mga guro na dagdagan ang kanilang horaria ng tig-P3,000.

Nais ni Castro na ang chairperson of electoral board na dating P6,000 ang honoraria ay gawing P9,000 ang matatanggap; P8,000 mula sa P5,000 sa member of the Electoral Board; P7,000 para sa Election supervisor mula sa P4,000 at P5,000 para sa support staff mula sa dating P2,000.

“Bakit ba laging kursunada niyo ang napakaliit na natatanggap namin? Bugbog na nga kami sa krisis, kami pa rin ang bubuwisan. Samantalang puro tax holiday at exemption ang malalaking korporasyon,” reklamo naman ni ACT NCR Union President Vladimer Quetua.

Reklamo ni Quetua, masyado silang pinipiga ng gobyerno habang niluluwagan ang mga negosyante na bibigyan umano ng napakalaking tax incentives. (BERNARD TAGUINOD)

319

Related posts

Leave a Comment