MAY 200 buena mano na inaasahan ang Department of the Interior and Local Government na mauunang gagamit ng bagong tayong Quezon City Jail sa Payatas, na magmumula sa hanay ng mga akusado sa multi billion flood control scandal na yumayanig ngayon sa bansa.
“First charges to be filed in next 3 weeks,” ito ang naging pahayag ni DILG chief Jonvic Remulla sa ginanap na pulong balitaan kaugnay sa bagong custodial facilities sa Quezon City.
Ayon kay Jonvic na kapatid ni dating Department of Justice Secretary at kasalukuyang Ombudsman Jesus Crispin Remulla, inaasahan ang unang round ng indictments laban sa 200 indibidwal na magaganap sa susunod na tatlong linggo.
“Based on the Senate hearings, it appears all the names were already revealed there. So, the names that came out of the Senate hearings, the congressional hearings, I think, they will be the first ones to be indicted,” anang kalihim.
Subalit mariing nilinaw ni SILG Remulla na, “I have no personal knowledge of what the Ombudsman is doing. But, based only on what I see and hear, the evidence shown at the Senate is heavy.”
Maging si Retired PNP chief at Independent Commission for Infrastructure (ICI) Special Adviser Rodolfo Azurin Jr. ay nauna nang nagpahayag na posibleng sa mga susunod na araw ay may 15 kaso ang ihahain sa Ombudsman kaugnay sa flood control scam na kinasasangkutan umano ng ilang DPWH officials, mga politiko at contractors.
Una nang inihayag ng DILG nitong Lunes, na kasado na umano ang bagong Quezon City Jail sa Payatas, para sa mga posibleng makasuhan kaugnay ng umano’y katiwalian sa mga proyekto sa flood control.
Sa press conference, sinabi ni SILG Remulla na tinatayang nasa 200 indibidwal ang maaaring sampahan ng kaso sa loob ng susunod na tatlong linggo dahil sa isyu ng flood control corruption.
Ang bagong kulungan, na siyang pinakamalapit sa Sandiganbayan, ay may kapasidad na 800 detainees.
“Ang korte ang may hurisdiksyon kung saan dapat ikulong ang mga akusado. Pero kung sa Sandiganbayan ang kaso, ito na ang pinakamalapit na pasilidad ng BJMP,” ani Remulla.
Bagama’t nilinaw rin ng kalihim na hindi nila nilalampasan ang kapangyarihan ng Sandiganbayan sa pagpapasya kung saan ikukulong ang mga akusado, ngunit praktikal aniyang gamitin ang bagong pasilidad sa Payatas.
Ang isyu ng umano’y ghost at substandard flood control projects ay unang binigyang-diin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. noong Agosto, nang ibunyag niyang 20% ng mga proyekto ng pamahalaan sa flood control ay hawak ng 15 kontraktor lamang.
Simula noon, nagsasagawa na ng imbestigasyon ang Kongreso at ang Independent Commission for Infrastructure, na tumututok sa posibleng pagkakasangkot ng mga kontraktor, opisyal ng gobyerno, at ilang mambabatas.
(JESSE RUIZ)
