2022 PBA Philippine Cup 7 STRAIGHT TARGET NG MAGNOLIA

Ni ANN ENCARNACION

DAGDAGAN pa ang anim sunod na panalo ang asam ng nag-aapoy na Magnolia Hotshots sa pakikipagsalpukan ngayon (Biyernes) sa Blackwater Bossing sa 2022 PBA Philippine Cup sa Araneta Coliseum.

Ngunit bago ang 6pm main game sa pagitan ng Magnolia at Blackwater, magsasagupa muna ang NLEX Road Warriors at NorthPort Batang Pier, 3pm.

Huling binigo ng Magnolia ang Rain or Shine Miyerkoles upang kumpletuhin ang playoff cast ng All-Filipino Cup.

Dinomina ng Hotshots ang RoS, 118-87, at tuluyang pinauwi ang may kartang 4-7 na Elasto Painters.

Ang huling panalo ng Converge FiberXers (5-6) ay naglagay sa koponan sa ikawalong puwesto at sinamahan ang iba pang qualifiers na San Miguel Beer (9-2), TNT (8-3), Magnolia (7-3) , Ginebra Kings (7-3), Meralco Bolts (6-4), NLEX Road Warriors (5-5) at Blackwater Bossing (5-5).

Sa kasalukuyan, posisyon ng mga team na lang ang pinaglalabanan para matukoy ang magtatapat-tapat na Top 8.

Awtomatikong naka­kuha ang SMB at TNT ng twice-to-beat bonus sa quarterfinals.

Kung magtatagumpay kontra Bossing ang Hotshots, ookupahan ng huli ang No. 3 spot.

Posible rin ang three-way tie sa pangalawa sa TNT, Magnolia at Ginebra sa 8-3, at gagamitin ang quotient tiebreak.

Bilang paghahanda para sa playoffs, sinabi ni Magnolia coach Chito Victolero pangangasiwaan niya ang minuto ng kanyang mga pangunahing manlalaro tulad nang ginawa niya laban sa RoS.

“Importante nakapahinga yung starters namin kasi hindi namin alam yung schedule ng playoffs. We’re playing back-to-back games now, baka sa playoffs back-to-back din,” esplika ni Victolero.

Maagang humiwalay ang Hotshots laban sa ­E-Painters, na nagbigay kay Victolero ng pribilehiyong magamit ang bench players.

“I’m happy for these guys. They’re working hard and they’re challenging our starters in practice. Gusto rin namin na makalaro sila, for us to cheer for them and show our love to them,” dagdag ng Hotshots coach.

Nanguna si reserve guard Jerrick Ahanmisi sa scoring na minarkahan ng pitong double-digit output mula sa 19 points niya, may 16 si Jio Jalalon, 13 Calvin Abueba, tig-12 sina Ian Sangalang at Mark Barroca 12, at tig-11 sina Jackson Corpuz at Paul Lee.

117

Related posts

Leave a Comment