2026… DEKWATAN PA MORE

KAPE AT BRANDY ni SONNY T. MALLARI

SA PAGTATAPOS ng 2025, iisa ang tampok na iiwang marka nito sa kukote ng maraming Pilipino – ang malawak na korupsyon sa ating gobyerno.

Maging ang kolumnistang ito na halos manhid na sa dekwatan sa pondo ng pamahalaan, ay nagulantang din matapos na mabuyangyang ang nakasusuka at nakagagalit na sabwatan ng maraming mga opisyales ng pamahalaan, mga kontratista partikular ang mag-asawang Discaya, at mga magnanakaw sa Department of Public Works and Highways (DPWH). Multi-bilyong piso ang pinagpapartehan nila sa mga napabilad na maanomalyang flood control projects sa iba’t ibang parte ng bansa kasangkot ang mga halal na opisyal ng gobyerno – senador, kongresista, gobernador, mayor, hanggang barangay chairman at natitiyak kong may ilang Sangguniang Kabataan leader ang napartehan din.

Dahil gustong tabunan ang isyu na sangkot ang kanilang mga kumpanya at magpasikat din sa publiko lalo na sa kanilang mga kababayan sa Pasig City, dahil nilabanan ni Sarah Discaya si Mayor Vico Sotto sa kanyang posisyon, nagpainterbyu si Sarah kay Ka Tunying at Korina. Layon ng panayam na ipakilala ang mga Discaya bilang ehemplo ng “rags-to-riches” story. ‘Yung tipong nagsimula sila sa ibaba at dahil sa pagsusumikap ay nakarating sa itaas. Pero sa kontrobersyal na dalawang magkahiwalay na video interviews ay nabilad sa publiko ang sangkatutak na mga mamahaling kotse at iba pang multi-milyong pisong halaga ng mga ari-arian ng mga Discaya.

Ibinasura ni Vico si Sarah sa botohan. At minalas pa ang mga Discaya. Pagkatapos ng eleksyon ay pumutok ang mga anomalya ng DPWH sa kanilang flood control projects. At lumitaw na sila ang pangunahing kontratista na kumita ng bilyon-bilyong piso sa ginawang dekwatan sa pondo ng estado. Parehong nakatangkal ngayon ang mag-asawa. Si Sarah ay nasa Lapu-Lapu City jail at ang esposo niyang si Curlee ay nakadetine pa rin sa kulungan ng Senado.

Nitong mga huling araw ay may mga ulat din na maging ang cabinet secretaries sa administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte at PBBM ay may nakalaan ding pondo para dekwatin sa porma ng tinatawag na “allocables” o ang dating popular na “pork barrel” na pinagsasamantalahan noon sa Kongreso at Senado kahit na ipinagbawal na ito ng Korte Suprema.

Hindi na ako nagtataka dahil ganito na talaga ang sistema sa ating pamahalaan. Magsimula sa pinakamababang empleyado hanggang sa itaas, lahat ay gumagawa ng paraan upang makapagnakaw sa gobyerno – kagamitan sa tanggapan, gamot, atbp, hanggang sa inaasam-asam na kwarta.

Kaya kahit na marami nang imbestigasyon ang ginawa at ginagawa pa sa kasalukuyan, suntok sa buwan kung magkakaroon ba ng katapusan ang korupsyon. May pailan-ilan na kinasuhan at ikinulong pero hanggang doon na lang. Walang natitimbog na malaking isda sa gobyerno upang magsilbing halimbawa at hindi na pamarisan.

Kamakailan ay nagpahayag si PBBM na may aarestuhin at ikukulong na ilang opisyales ng pamahalaan bago matapos ang kasalukuyang taon. Pero wala ring nangyari. Muling nangako ang Malakanyang na may maparurusahan sa papasok na 2026 pero pesimistiko ang maraming Pilipino, kabilang na ang kolumnistang ito.

Sa kabila ng natutuklasang mga bagong anomalya hindi lang sa DPWH, kabilang na rin ang iba’t iba pang mga ahensya ng gobyerno, nakadidismaya na hanggang balita na lang ang mga ito kasabay ng mga pagkondena ng ilang paepal sa Kongreso at Senado. Pagkalipas lang ng maiksing panahon, mawawala na rin ito sa mga usapan kahit sa barberya. Popokus na lang ang marami sa atin sa kanya-kanyang pakikibaka upang mabuhay.

Magpapatuloy ang mga martsa at protesta bilang pagkondena sa korupsyon sa pamahalaan. Iba’t ibang grupo. Kanya-kanyang pamamaraan, kanya-kanyang plataporma, at kanya-kanya ring paglalatag ng solusyon sa suliranin. Ang resulta – sa halip na magkaisa sa pakikibaka upang wakasan ang dekwatan sa salapi ng taong-bayan, lalo pang nagkakahiwa-hiwalay. Nakangisi namang pumapalakpak at nanonood ang mga magnanakaw.

Manhid na ang marami sa kabulukan ng gobyerno. Umaasa na lang ang taong-bayan na magkatotoo ang birthday wish kamakailan ng popular na mamamahayag na si Kara David: “Sana mamatay lahat ng kurakot sa Pilipinas!”

Ikaw, ano ang wish mo para sa ating Inang Bayan ngayong 2026?

Samantala, diretso pa rin ang dekwatan sa salapi ng bayan sa gitna ng lalong lumalalang kahirapan sa ating paligid.

Quo Vadis, Pilipinas?

##########

Pasensya na sa ilang sumusubaybay sa Kape at Brandy dahil sa pagkawala ng kolum nitong mahigit na dalawang buwan. Nagkaroon kasi ako ng panibagong problema sa kalusugan kaya naobligang magpahinga upang makaiwas sa stress ng pagiging isang peryodista. Bukod sa lingguhang kolum ko sa SAKSI ay nagsusulat din ako sa INQUIRER bilang news correspondent sa lalawigan ng Quezon at buong Calabarzon region. 27 taon na ako sa larangan kaya unti-unti nang nararamdaman ng aking katawan ang pagod.

Pero mahirap iwanan ang pagsusulat. Hinahanap ko rin. Iba ang lukso ng aking dugo kapag bumubuo ng kolum at nagsusulat ng balita. Kaya heto na naman ako. Muli ninyong makakasama tuwing Miyerkoles. Diretso lang tayo sa ating pakikibaka!

119

Related posts

Leave a Comment