TINATAYANG 300,000 baboy ang pinatay simula nang pumutok ang outbreak ng African Swine Fever (ASF) nuong Agosto ng nakaraang taon at apektado na ngayon ang may 25 lalawigan sa buong bansa.
Nabatid mula kay Agriculture Assistant Secretary Noel Reyes na walong rehiyon kung saan matatagpuan ang 25 probinsiya, 210 lungsod at 876 barangay ang tinamaan ng virus.
Aabot naman sa kabuuang 282,436 na baboy aniya ang kinailangang patayin upang maiwasang lumaganap pa ang sakit.
“Yan po ay napakaliit na porsyento ng kabuuang population ng baboy sa buong bansa na umaabot sa 12 million,” ani Reyes.
Kabilang sa mga lalawigang may outbreak ng ASF ay ang Benguet, Ifugao, Kalinga, Mt. Province, La Union, Pangasinan, Cagayan, Isabela, Nueva Vizcaya, Bataan, Bulacan, Nueva Ecija, Pampanga, Tarlac, Aurora, Batangas, Cavite, Laguna, Quezon, Rizal, Camarines Sur, Davao del Sur at Davao Occidental.
Nauna nang ibinabala ng DA na magkakaroon ng 31-araw na kakapusan ng suplay ng baboy sa katapusan ng taon dahil sa problema sa ASF.
“Magkakaroon tayo ng demand na 1.2 million metric tons (MT) sa katapusan ng taon pero ang supply po ay 1.1 million so magkakaroon tayo ng deficit na 31 days,” paliwanag ng opisyal.
Sa layong makontra ang pinangangambahang kakapusan ay palalakasin ng Agriculture Department ang hog-raising activities sa itinuturing na ASF-free areas at hinihikayat ang publliko na kumonsumo na lamang ng ibang pagkain na pagkukunan ng protina tulad ng manok. JEFF TUMBADO
