INATASAN ng mga mambabatas sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang Department of the Interior and Local Government (DILG) na imbestigahan at ipawalang bisa ang 29 Sister City agreement ng mga Local Government Unit (LGU) sa China.
Sa pamamagitan ng House Resolution (HR) 39 na isinulong ng mga kinatawan ng Akbayan group, panahon na para kalkalin ang mga kasunduang ito ng mga LGU sa China upang maproteksyunan ang seguridad ng bansa.
Ginawa ng grupo ang nasabing resolusyon dahil sa isang pagdinig sa Senado noong November 26, 2024, kinumpirma ng National Intelligence and Coordinating Agency (NICA) ang “malign, influence and foreign interference” o MIFI activities ng China sa Pilipinas.
“In the same hearing, NICA Deputy Director General Francisco Ashley Acedillo revealed that “(m)ukhang wala pong region na exempted (sa MIFI activities ng China sa Pilipinas),” ayon sa resolusyon.
Lumabas din anila sa pag-aaral ng Ateneo Policy Center noong 2024 ang “interference activities” ng China sa Pilipinas tulad sa eleksyon, paggawa ng bansa, pamamahala sa gobyerno kaya dapat anilang imbestigahan kung ang mga City Agreement na pinasok ng mga LGU sa China ay may kinalaman dito.
Lalong dapat kumilos ang DILG dahil 19 sister city partnership lamang ang nakalista sa nasabing ahensya subalit kung League of Cities of the Philippines ang tatanungin, ay umaabot umano ito sa 29.
Hindi kasama sa listahan ang tatlong (3) sister-city agreement ng Davao City-China na inanunsyo umano sa publiko ng magkapatid na Vice President Sara Duterte at Mayor Sebastian Duterte noong 2023.
“These report of China’s “pervasice” malign foreign interference and influence require deeper investigation, and mush include a comprehensive assessment of risk and vulnerabilities of China’s direct engagement with our local government units,” ayon pa sa resolusyon.
Samantala, inihain din ng nasabing grupo ang House Bill (HB) 1626 para ideklara ang July 16 kada taon bilang West Philippine Sea (WPS) victory day at HB 1625 para ituro sa lahat ng education institution ang karapatan ng Pilipinas sa nasabing karagatan.
(BERNARD TAGUINOD)
137
