MAYROONG “iskandalo” sa isang organisasyon kung naganap dito ang nakahihiyang desisyon, o aksyon, ng pinuno.
Kung gustong maging lider ng isang miyembro ng organisasyon, kailangang patunayan niyang kaya niyang maging pinuno at mag-isip nang tama para sa samahan.
Hindi iyong tulad ng ginawa ni Speaker Lord Allan Jay Velasco na naglagay ng 29 na deputy speakers dahil nagpapatunay na isang mahinang speaker ang nasabing kongresista ng Marinduque.
Ang pananaw ng political analyst na si Mon Casiple sa desisyon ni Velasco ay mali ang ginawa ng speaker.
Ayon kay Casiple, hindi kailangan ng 29 na deputy speaker sa Kamara de Representantes dahil wala naman silang magandang papel.
Ang totoo, lumalaki lang ang gastos kapag dumarami ang deputy speaker, sabi ni Casiple.
Naniniwala ako dahil mayroong sariling pondo para sa deputy speaker, maliban sa pondo kapag kasama ang kongresista sa mayorya ni Speaker Velasco.
Syempre, malaking iskandalo kapag pera ang pinag-uusapan sa isang organisasyon.
Batay sa ulat ng Commission on Audit (COA) noong 2017, umabot sa P4.89 bilyon ang gastos para sa labing-apat na deputy speaker.
Ngayon 29 lahat sa liderato ni Velasco, inaasahang madodoble ang P4.89 bilyon.
Pokaragat na ‘yan!
Sabi pa ni Casiple, “political accommodation” lang ang ginawa ni Veasco nang gawin nitong 29 ang kanyang deputy.
Bayad lang sa pagsuporta ng mga kongresista upang maging speaker si Velasco.
Piryud!
Ang idinagdag na bagong deputy speaker ay sina Arnolfo Teves Jr. (Negros Oriental 3rd District); Rimpy Bondoc (Pampanga 4th District); Bernadette Herrera Dy (Bagong Henerasyon); Kristine Singson Meehan (Ilocos Sur 2nd District); Divina Grace Yu (Zamboanga del Sur 1st District); Rogelio Pacquiao (Sarangani); Bienvenido Abante Jr. (Manila 6th District); at sina Rep.Weslie Gatchalian at Rep. Eric Martinez na kapwa kinatawan ng Valenzuela City.
Mayroong mga kasamang ‘tamad’!
Pokaragat na ‘yan!
Kung inyong matatandaan, itong si Teves, ang mambabatas na unang naglabas ng isyung hindi patas ang hatian ng pondo ng mga mambabatas noong ang speaker ng Kamara ay Taguig – Pateros Rep. Alan Peter Cayetano.
Nang ipasa ng Kamara ang P4.5 trilyong badyet para sa 2021 sa pamumuno ni Velasco ay lumitaw na mas tumaas pa ang badyet ng mga kongresista.
Mahigit P650 milyon hanggang P15 bilyong pondo para imprastraktura ang napuntang pondo sa mga kakaming kongresista ni Velasco.
Kasama pa rin si Las Piñas Rep. Camille Villar sa 29 na deputy speaker dahil hindi pa tinatanggap ni Velasco ang kanyang pagtanggi sa posisyon.
Si Villar ay bahagi ng Nacionalista Party (NP) na sumuporta sa ambisyon ni Velasco na maging speaker.
Itinuturing na “plum post” ang deputy speakership dahil “senior” na posisyon ito, mayroong hiwalay na pondo para rito tulad ng P200 milyong badyet at mayroon itong kapangyarihang bumoto sa lahat ng komite.
