3 BAGONG CHOPPERS NG PNP DUMATING NA

KASALUKUYANG sumasailalim sa flight evaluation at performance test ang tatlong bagong police chopper na binili ng Philippine National Police (PNP) sa halagang umaabot sa P600 milyon.

Dahil sa delivery ng tatlong bagong ang H125 air bus helicopter, mayroon nang kabuuang 10 helicopters ang PNP na lumilipad sa kasalukuyan.

Ngunit nilinaw ni PNP Director for Logistics MGen. Angelito Casimiro, kasalukuyan pang sumasailalim sa pre-acceptance evaluation at field testing ang bagong choppers bago pinal na malagdaan ang acceptance documents para rito.

Sa ngayon, sumasailalim na sa field testing at evaluation ang tatlong choppers bago ang gagawin acceptance mula sa manufacturer nito.

Bukod sa bagong dating na air assets, ang PNP ay mayroong apat na units ng H125 air bus, dalawang Robinson 44 trainer chopper, at isang unit ng CESNa C150 trainer fixed wing.

Kaugnay naman sa bumagsak na Bell 429 chopper sa Laguna na ikinamatay ng isang police general kamakailan, napag-alamang beyond repair na ito ngunit nakatakdang bayaran naman ang PNP ng P430 milyon ng GSIS bilang proceeds sa bumagsak na Bell 429.

Sinasabing gagamitin ang nasabing halaga para makabili naman ng dalawang H130 air ambulance na gagamitin sa rescue operations, medical evacuation, aerial survey at paghahatid ng mga tropa at sa pagdadala ng mga kagamitan gaya ng kanilang mga sandata, ammunitions, pagkain gamot at tubig. (JESSE KABEL)

104

Related posts

Leave a Comment