3 HULI SA IPINUSLIT NA 500 BOXES NG GARMENTS

TATLO katao na hinihinalang nanloob sa isang warehouse sa Pedro Gil Street sa Paco, Manila ang nabuslo sa ikinasang entrapment operation ng mga operatiba ng Theft and Robbery Section ng Manila Police District, habang dalawang babae na umano’y online seller ang isinasailalim sa masusing imbestigasyon, makaraang mabawi sa magkasunod na operasyon ang ilang kahon ng garments sa Juan Luna St., Divisoria, Manila, at sa Parañaque City.

Pinipigil sa nasabing tanggapan ng pulisya sina Ainah Sultan, Jomal Azia at ang driver na si Akil Jomalodan.

Habang sina “Jemmel” at “Michaela” ay isinasailalim sa masusing interogasyon.

Batay sa ulat ni Police Lieutenant Gary June Gading, hepe ng MPD- Theft and Robbery Section, nagpatulong sa kanyang tanggapan ang isang negosyanteng si Kowsar Abul, 59, na may warehouse ng garment sa Pedro Gil Street sa Paco, Manila.

Dahil dito, nagsagawa ng follow-up operation ang mga tauhan ni Gading.

Ayon sa report ng pulisya, bandang alas-1:58 ng hapon noong Enero 18 nang madiskubreng nawawala ang kahon-kahong mga garment na umabot sa halagang P5,000,000.

Isang Lanly Pino, saleslady, ang nakadiskubreng nawawala ang boxes ng garments kaya ipinagbigay-alam ito kay Abul.

Dahil dito, isa pang saleslady na kinilalang si Jennifer Blando, ang nagpanggap na bibili ng mga RTW sa pamamagitan ng online sa Facebook page ng isang si alyas “Jemmelyn”.

Tatlumput-limang kahon na nagkakahalagang P630,000 ang inorder sa inilatag ang entrapment operation bandang alas-9:30 ng umaga sa Juan Luna Street.

Nang iabot ang boodle money kapalit ng kahon-kahong garments ay agad na pinosasan ang mga suspek.

Makaraan ang follow-up operation ng mga tauhan ng MPD-TRS, nasamsam ang iba pang mga kahon ng RTW sa isang lugar sa Parañaque City.

Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy kung saan pang lugar ibinagsak ang mga kahon na naglalaman ng mga garment upang makumpleto na ang nawawalang 500 boxes. (RENE CRISOSTOMO)

252

Related posts

Leave a Comment