3 KASAPI NG BIFF, PATAY SA ENGKWENTRO

PATAY ang tatlong hinihinalang mga kasapi ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) makaraang makasagupa ng militar sa lalawigan ng Maguindanao nitong Linggo.

“Firefight ensued at Sitio Proper, Barangay Linantangan, Shariff Saydona Mustapha, Maguindanao at about 5:52 a.m., Sunday (June 20, 2021) which resulted in the deaths of three BIFF militants,” ayon kay Lt. Gen. Corleto Vinluan Jr., commander ng Western Mindanao Command (Wesmincom).

Sa impormasyong ibinahagi ni Lt. Gen. Vinluan, Jr., bandang alas-5:52 ng umaga nang masabat ng mga elemento ng Joint Task Force Central ang sampung BIFF members, sa ilalim ng pamumuno ni Muslimin Amilil alyas “Mus” ng 2nd Division ng BIFF Karialan Faction, sa bayan ng Shariff Saydona Mustapha.

Nakuha sa encounter sites ang tatlong bangkay ng BIFF na pansamantalang inilagak sa Army 1st Mechanized Battalion headquarters para sa identification, documentation, and proper disposition.

Narekober din ng mga awtoridad ang tatlong caliber .45 pistols, dalawang hand grenades, 8 gramo ng hinihinalang shabu, at P1,000 cash.

Samantala, bago ang nasabing sagupaan ay nadiskubre sa isinagawang military operation bandang alas-4:30 ng hapon noong Sabado ang inabandonang pinagkukutaan ng mga terorista na kayang okupahan ng 80 hanggang 100 katao sa Barangay Saniag, sa bayan ng Ampatuan, ayon kay Maj. Gen. Juvymax Uy, commander ng Joint Task Force Central.

May 12 foxholes, tatlong overhead bunkers, walong bunkers, tatlong guard posts, at running trenches ang nasabing kuta, ani MGen. Uy.

“Rest assured that the armed forces will continue to conduct focused military operations to hunt and pound on the enemies, and recover their strongholds and armaments,” ani Vinluan. (JESSE KABEL)

127

Related posts

Leave a Comment