CEBU – Kalaboso ang tatlong lalaki makaraang matunton ng drone pagkatapos nilang pagnakawan ang isang eskwelahan sa bayan ng Medellin sa lalawigan.
Ayon kay Police Regional Office 7 Director Brig. Gen. Redrico Maranan, Martes ng umaga ay sapilitang pinasok ng tatlong lalaki ang mga silid-aralan.
Batay sa salaysay ng guwardiya, tinutukan siya ng baril, iginapos at pinasok ng mga suspek ang mga silid-aralan kung saan nila tinangay ang pera, iba’t ibang gamit at maging ang kanyang 9mm service pistol.
Kaagad namang nagresponde ng Medellin Police katuwang ang Engineer Support Company ng 53rd Engineer Brigade ng Philippine Army.
Sa tulong ng drone surveillance, natunton ng mga awtoridad ang mga suspek na naging dahilan ng kanilang pagkaaresto at narekober sa mga ito ang tatlong baril, kabilang ang ninakaw na service pistol.
Sinabi ni Maranan, patunay ang insidente sa bisa ng paggamit ng makabagong teknolohiya sa mga operasyon ng pulisya.
(TOTO NABAJA)
