3 ‘MANAGER AT SUPERVISORS’ NAHARANG SA NAIA

NAHARANG ng Bureau of Immigration sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang tatlong lalaki na nagpakilalang magtatrabaho sa Malaysia bilang manager at supervisor sa isang construction company ngunit nadiskubreng ilegal na na-recruit para magtrabaho bilang mga waiter lamang.

Sinabi ni Bureau of Immigration (BI) Commissioner Norman Tansingco, patungo ng Kuala Lumpur ang tatlong lalaki kasama ang kanilang umano’y employer, na tinangkang sumakay ng Cebu Pacific flight .

Ayon sa BI, unang sinabi ng mga ito na magtatrabaho sila bilang operations manager, site supervisor at paint supervisor sa isang construction company.

Kalaunan ay umamin ang tatlo nang isailalim sa secondary inspection, na sila ay magtatrabaho bilang mga waiter.

Hindi rin umano nila masyadong kilala ang kasama nila na nagsisilbi nilang escort.

Nagbayad sila ng P60,000 sa kanilang recruiter na siyang nag-asikaso ng kanilang paglipad at pagbibigay ng trabaho sa kanila sa Dubai at Malaysia. Ang P10,000 sa kanilang ibinayad ay para umano sa membership sa isang organisasyon na may accredited chapters sa Malaysia at Dubai.

Inamin din ng tatlo na nadiskubre lang nila ang iniaalok na trabaho sa isang post sa Facebook kung saan nakilala nila ang kanilang recruiter.

Hawak na ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) ang tatlo maging ang kanilang escort, para sa paghahain ng kaukulang kaso.

(JOCELYN DOMENDEN)

233

Related posts

Leave a Comment